Para o laban sa mga kinatawan, kakatawanin, at kakatawan

0
447

Sa isang demokratiko at republikang pamamahala, mahalaga ang mga papel na ginagampanan ng mga kinatawan at senador. Bagama’t nasa dalawang kapulungan, sila’y kapwa bumubuo ng isang Kongreso o ang tinatawag nating Lehislatibo, isang sangay ng pamahalaan na co-equal o kapantay ng dalawa pang sangay – Ehekutibo at Hudikatura. Sina yumaong Ferdinand Marcos Sr. at Benigno “Noynoy” Aquino III ay ilan lamang sa mga matagal na umupo sa Kongreso (parehong sa dalawang kapulungan nito) na kinalauna’y naging mga pangulo. Ibig sabihin – kung ikaw ay senador o kongresista – maaari mo nang iangat ang iyong pangarap sa pagiging pinakamataas na lider ng bansa. Isa pang mas mahalagang pakahulugan: Ang Kongreso ay training ground ng mga susunod na presidente, bagama’t mas angkop sabihing kalimita’y galing sila sa Senado.

Pinahahalagahan man ang mga bulwagan (“august halls of Congress”), dumating sa puntong tinatawag na silang “tonggressman” at “senatong” ng mga matabil ang dila; parehong maling katawagan sa ilan sa kanila na may kurot sa mga naghalal sapagkat nauuwi sa tong (kurakot na bahagi) ang kanilang paggamit ng kaban ng bayan sa mga proyekto. Sa huling dekada, pinakapinag-usapan ang Napoles scam kung saan mga kunwa-kunwariang NGO ang “natulungan” ng mga ito. Sa laban ng gobyerno sa katiwalian, masasabi nating may mga ipinanalo ito pero lamang ang ikinatalo. Sa huli, tanging si Janet Lim-Napoles na minsang nagmay-ari ng 28 bahay ang kilalang nananatili sa piitan kaugnay ng maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o discretionary fund, at sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla ay nakalaya na at nakatakbo pang muli sa pagka senador. (Panalo noong 2019 si Revilla, samantalang talo sina Enrile at Jinggoy; muling tumakbo si Jinggoy ngayong Mayo 2022 at mukhang may malaking tsansang manalo na sa huling pwesto – ika-12.)

Ayon sa Konstitusyon ng 1987, ang paggawa ng batas ay nasa kapangyarihan ng Kongreso. Binubuo ito ng 24 na senador at hindi hihigit sa 250 kinatawan (maliban kung tinakda ng batas), 20% ng mga ito’y pawang mga Party-list representatives. May mga panukalang batas (bills) saka joint, concurrent and simple resolutions sa paggawa ng batas. Ang mga panukalang batas ay nakakapasa bilang mga batas kapag aprubado ng dalawang kapulungan at ng Pangulo ng Pilipinas. (Merong sistema ng check and balance sa tatlong magkakapantay na sangay ng pamahalaan, ngunit ang Hudikatura na binubuo ng mga korte kabilang ang Korte Suprema ang final arbiter o huling tagapag pasya sa lahat ng mga kwestiyong legal kahit pa madamay ang pangulo ng bansa.)

Balik tayo sa party-list. (Gusto rin namang balik-balikan ito ni outgoing President Rodrigo Duterte dahil daw sa “nagagamit” lang ito kaya buwagin na lang daw. Ulit: daw ha.) Hindi ba’t kapag ikaw ay kinatawan ng distrito mo, kinatawan ka rin ng lahat ng sektor sa distrito? Ang party-list ay dating bukas lamang sa “underrepresented community sectors or groups.” Ayon sa Saligang Batas, sila’y dapat magmula sa “labor, peasant, urban poor, indigenous cultural communities, women, youth, and such other sectors as may be provided by law, except the religious sector.” Nababoy ba o binaboy ang party-list kinalaunan? Wala na ngang sweldo ang marami nating kababayan dahil walang mahanap na maayos at matatag na hanap-buhay, marami pa tayong pasuswelduhin sa House of Representatives? Pakapalan lang talaga ng apog; uupo sila sa Batasang Pambansa sa Quezon City kahit hindi naman talaga sila tuwirang kabahagi ng marginalized/underrepresented na sektor o pangkat ng lipunan. Imagine: kakatawanin kayo ng district representative ninyo, pero dahil urban poor kayo, ituturo pa kayo sa urban poor (party-list) representative? Ganoon ding gusot ang kakaharapin ng kababaihan, manggagawa, at iba pang sektor. Ganoong kalabo.

Nagsanga-sanga na rin ang suliranin ng representasyon sa Mababang Kapulungan, pero maayos pa naman ang kalakaran sa Mataas na Kapulungan ng 24 na senadora at senador. Iyon nga lamang, parami nang parami ang mga magkakamag-anak at mga celebrity ang nahahalal; sandali, walang problema sa celebrity kung sila nama’y mayroong sapat na kakayahan at edukasyon dahil sila’y gagawa ng mga batas, hindi na para magpasikat. Kung sasayawan lang tayo ng Budots, popormang Utol kong Hoodlum, o magpopogi-pogian, talagang nauuwi sa katatawanan ang Kongreso at nakapanghihinayang ang ating oras at tiwala sa ganitong klaseng tagagawa ng batas. Sabi ng iba, “Nagkakalokohan na rin lang eh iboboto ko na rin si ______________?” Pawang kabalintunaan. Ang kailangan ay pagtitiwala sa katiwa-tiwala. Kung hindi, sila ang gagawa ng butas. Tama ang mga sikolohista sa sinasabi nilang nahuhulaan ang susunod na asal gamit ang dating asal. Para namang sa positibong pananaw: Past behavior predicts future behavior, which is similarly true of success. Ang aking pagbati sa mga nanalo sa halalan sa mga lokal na posisyon lalo na sa aking tinubuang Lalawigan ng Laguna at sa mga pambansang posisyon. Salamat din sa Diyos sa matiwasay na eleksyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.