Para sa kabataang botante at ang naratibo ng pagpapatuloy

0
510

May nakasalamuha ang isang dating senador na pumangalawa lamang sa vice-presidential election isang taon na ang nakararaan. Sabi sa kanya: “I voted for you. My whole family campaigned for you.” Naiyak ang botante. Sa kwentuhan, heto ang reaksyon ng dating senador: Palatandaan (ito) na tunay na hindi pa tayo tapos. We cannot give up on that young lady who broke down in tears.” Saan dapat magpatuloy? Iyan ang tanong na mas madaling itanong (at sagutin) kaysa sa tanong na, “Saan dapat magtapos.”

Dagdag na reaksyon ng nabigong kandidato: “(W)hen we are committed to social transformation – there is no such thing as failure – only delay. Kaya tuloy lang tayo, hindi tayo nagpapatinag noon, lalong hindi tayo magpapatinag ngayon.”

Sa larangan ng komunikasyon, gumagamit din ang mga iskolar ng narrative psychology at personal construct theory ng personality psychology. Ganoon naman ang psychology, nagpapahiram sa ibang larangan upang lalong bumuti ang kapakinabangan mula sa dalawa o higit pang larangan. May pagtutulungan ang mga larangan, ika nga. Mahalaga ring kumuha ng datos, kagaya ng nais kong ipakita mula sa surveys. Marahil ay hindi naman masakit na masakit ang pakiramdam ng kabataang botanteng natukoy sa kwentuhan. Sa presensya ng binoto, naalala niya ang laban kaya nanariwa ang pakiramdam ng dating sumugat sa damdamin niya. Magandang balita: Hindi naman siya nag-iisa.

58.33% ang nakuhang boto ng kanyang sinuportahang vice presidential candidate (Kiko Pangilinan) sa isang mock poll na aking nilahukan; 66.35% naman kay Leni Robredo sa pagkapangulo. Talo ni Kiko ang kalaban niyang nakakuha lamang ng 25.64% sa naturang mock poll. Talo rin ni Leni ang mahigpit na katunggali na meron lamang nakuhang 19.87% sa poll na iyon. Mismong administrasyon ng pamantasan ang nagsagawa ng survey na iyon. Marami ring pamantasan at kolehiyo ang may kanya-kanyang kahalintulad na survey at, muli, magandang balita para sa naluhang botante sa kwentuhan: Kung sino yung gusto niyang pangulo at pangalawang pangulo, sila rin ang gusto ng nakararami kung pagbabatayan ang mga survey sa common denominator nilang komunidad, sa akademiya.

Yung nga lamang, sa mga kolehiyo’t pamantasan nanguna ang kanyang pinaglabang tandem. Pero gaya nga ng magandang puna: Hindi nagtatapos sa botohan at pinahalagahan pa ang kanyang boto (hindi dahil maluha-luha kundi dahil may malalim na “hugot” ang kabataang iyon).

Iyon din ang hugot na tinutukoy ni independent journalist Christian Esguerra matapos niyang busisiin ang mga desisyon sa balota ng mga Pilipinong botante noong Mayo 9, 2022. Aniya, nasa naratibo ang kalakasan ng isang kandidato. Hindi baleng pekeng naratibo, basta iyon ang naiparating sa botante, at natabunan ang tamang naratibo, ang peke o sablay na naratibo ang mananaig. (Nasa konteksto pa tayo ng May 9, 2022 elections; hindi ito sa pangkalahatan at maaari ring mabago ang sitwasyon sa mga susunod pang halalan.)

Sa aking mga nakausap, merong dalawang botante ang nagsisisi kung bakit pa raw nila binoto si ganito at si ganyan. Pero lamang naman sa mga nakausap ko ang walang pinagsisisihan matapos ang unang taon ng administrasyon ng kanilang binoto. Sa kinahaharap na malalang kondisyon ng lipunan, hindi ibig sabihin na tanggap din nila ang consequence o kinahinatnan ng desisyon nila noong hawak ang kani-kanilang kapangyarihang pumili (sa balota) ng mga tamang taong magiging pinuno nila sa anim na taon.

Hindi nawawala ang mga puna nila sa pamahalaan; meron pa nga, nadudulas na mas lumala pa raw ang kalagayan sa presyo ng bilihin, katiwalian, mga suliraning panghanap-buhay, pampaospital, at pampaaral.

Tuloy-tuloy lang.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.