Rabbit farming, ang pinakabagong livestock diversification na makapagbibigay ng dagdag na kita sa farmers

0
957

Kapag nanunuyo sa dalaga ang binata, lagi itong nagbibigay ng ng mga regalo sa kanyang nililiyag. Yan ang itinanim ng Diyos sa puso ng mga binata – ang maging maalalahanin sa kanyang minumutya. Naalala ko lang, rabbit ang regalo ko sa unang valentines day namin ng aking gf noon na wife ko na ngayon. Tuwang tuwa siya at hindi na nga pumayag na hindi niya ako maging asawa.

May kakaibang charm kasi ang mga rabbit. Dahil siguro sa  maamong itsura nito at malambot na balahibo.  Kaya naman maraming nag aalaga ng rabbit bilang pet.

Madalas din itong iregalo sa mga bata dahil safe kahit para sa toddlers. Pwede nilang hawakan o himasin dahil hindi ito nangangagat. Karaniwan ay sa rabbit nabubuksan ang isip at puso ng tao upang maging mapagmahal sa hayop.

Mayroong 305 breeds ng domestic rabbit sa 70 bansa sa buong mundo. Ang pinakamalaking breed ay ang Transylvanian rabbit na tumitimbang ng 10 kilo. Mga giant rabbit ito na kasing amo din ng mga regular na rabbit.

Dito sa Pilipinas naging bisita namin sa Forest Wood Garden farm si Doc  Sari Casanova na importer ng Giant Rabbit na nagkakahalaga ng Php 80,000 ang isa. Isa lamang ito sa mga breed ng rabbit na inaalagaan sa Pilipinas na may iba ibang laki, sukat at presyo, depende sa lahi.

Territorial animals ang rabbit. Nanganganak ito ng anim na beses sa loob ng isang taon. Mula sa pagkasilang,  kailangan ay 5 buwan bago ito kastahan. Mas mabuti kung ang doe rabbit ang dadalhin sa buck rabbit para siguradong makakastaan.

Instinctive ang proseso ng panganganak ng rabbit kaya hindi na nila kailangan ang tulong natin. May ugali din sila na magtanggal ng palahibo sa dibdib para ihanda ang  suso para sa mga baby rabbits. Ginagawa namang anakan at higaan ng kanyang mga kittens ang mga natanggal na balahibo.

Depende sa uri at klase ng lahi ng rabbit ang laki nito. May fancy breed ng rabbit na pang pet at breed na meat rabbit.  Ang mga pet type ay pwedeng pang cross breed sa mga meat rabbit para lumaki  ang lahi. 

Ang rabbit ay hindi mahirap alagaan dahil ang pagkain nito ay 70% forage gaya ng Mani mani plant, Madre de agua, at kangkong. Pero kahit mga ito ay herbivore, kailangan din ng mga ito ang 30% ng protina na galing sa pellet food upang sila ay maging malusog. Mahalaga ring malinis ang kanilang tirahan para hindi sila magkasakit. 

Kung mayroon kayong bukid, mas mainam kung ihahanda muna ang mga halaman na pwedeng pagkain bago mag alaga ng rabbit. Tamang tama naman na ang bukid namin ay mayaman sa halaman gaya ng mani mani at madre de aqua kaya’t hindi ako gagastos ng  malaki sa pagkain. 

Maraming pakinabang sa rabbit bukod sa ito ay nakakatuwang pet. Ang karne nito ay healthy all-white meat na mayaman sa high quality proteins, omega-3 fatty acids, vitamin B12,at minerals gaya ng calcium at potassium. Ang rabbit meat ay low in cholesterol din. 

Kaya nga dumadami na ang rabbit themed restaurant sa bansa at kailan lang ay lumabas na din sa market ang lechon rabbit.

Ang dumi ng rabbit ay pagkain ng African night crawlers, isang uri ng bulate na ginagamit sa composting. Ang ihi naman ay ginagamit na foliar o pampabulaklak. 

Sa kasalukuyan ay itinutulak ng Department of Agriculture ang pag aalaga ng rabbit dahil ito ay isang healthy at murang alternatibo sa pork. Bukod pa sa ito ay isang uri ng sustainable farming na may magaan na impact sa earth. Nakikita din nila ito na isang livestock diversification na mapagkikitahan ng farmers.

Dito sa atin sa Laguna ay kapuri puri ang  mga batang bata pang mga entrepreneur na mga former OFWs na ngayon ay nasa rabbit-raising enterprise na gaya nina Eric Manalo, Aldwin Chozas at  Resty Almoite. Sila ay mga haligi ng tahanan na sumubok landasin ang panibagong hamon ng buhay sa larangan ng pagnenegosyo. 

Dalangin ko ang tagumpay nila at ng bagong rabbit farming sa buong bansa. Kaugnay nito, alalahanin natin ang sinasabi sa Mga Awit 90:17 – Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain, magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin! Magtagumpay nawa kami!

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.