Radyo sa Pilipinas, hindi nagpapaiwan sa katatagan at tapang

0
704

Taliwas sa pag-iisip ng ngayon-ngayon pa lamang tumatangkilik sa makabagong information and communications technologies, buhay na buhay ang radio broadcasting sa Pilipinas at nananatiling napakahalaga ng papel nito at ng mga radio broadcast journalists na maghatid ng balita, impormasyon, at kuro-kuro. Lalong napatutunayan ng radyo sa panahon ngayon ang kalakasan nito: sariwang sariwa sa content o laman.

Sa kumakalat na hindi patas na pagbabalita, nariyan ang radyo na responsableng nagpapahayag ng dalawang panig sa usapin. Sa talamak na fake news at mga kahanay na maling impormasyon, nariyan ang radyo para maipaalam at maipadama sa tagapakinig ang dapat nilang malaman, pangontra sa kamalian at paglilihis sa totoong isyu. At kung napapanahong isyu lamang ang pakikinggan ng mapanuring tagapakinig, sa radyo na siya tututok sa halip na sa mga nagpapakilalang social media influencer, ilan pa nga sa kanila’y hindi nagpapakilala sa mga tunay nilang pangalan. Merong accountability sa radyo, at sa social media ay halos wala.

Sa napakahalagang tungkuling ginagampanan ng mga mamamahayag sa radyo, ilan pa nga sa kanila’y napapaslang. Masakit tanggaping hindi nabibigyan ng katarungan ang ilang kaso ng pamamaslang o kaya naman ay puro delay ang inaabot ng mga ito sa hukuman. Gayunpaman, marami pa ring nagpapatuloy sa pamamahayag at marami pa ring inaaral ang radio broadcasting para sila naman ang eere sa pagtanda at pagretiro ng mga batikan sa larangan. Saludo rin tayo sa mga kolehiyo at pamantasan sa pagkakaroon nila ng mga radyo (at radyo-radyohan muna sa iba).

Sa pagbisita sa Pilipinas ni Irene Khan, ang UN Special Rapporteur for Freedom of Opinion and Expression, para “suriin, sa diwa ng pagtutulungan at diyalogo, ang sitwasyon ng mga karapatan sa kalayaan ng opinyon at pagpapahayag sa bansa” mula Enero 23 hanggang Pebrero 2, naipaalala nga ang hindi pa lutas na kaso ng pagpatay kay Radio Mindanao Network Palawan station DWAR news anchor/commentator Dr. Gerry Ortega.

“(P)anawagan po natin kay (Special Rapporteur) ay kilalanin itong problema na kawalan ng pananagutan sa mga perpetrators ng killing at to push forward recommendations that would address impunity, pahayag ni NUJP secretary general Len Olea nang makapanayam ng media.

Nitong Enero 24, tiyempong ika-13 taong anibersaryo ng pagpatay kay Ortega, naroon si Khan sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Korte Suprema at Kagawaran ng Katarungan. Ginunita ito sa isang protesta laban sa pinakabagong pagsubok sa paglilitis na lalo lamang umanong ikatatagal ng pagresolba sa kasong umabot na sa pag-aresto at muling pag-aresto pero ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang suspek na si dating Palawan governor Joel Reyes. Ayon sa mga mamamahayag na nagkilos-protesta, kung mareresolba ang napakatagal nang kaso ng pagpatay kay Ortega, saka pa lang daw masasabing kayang lutasin ng pamahalaan ang ilan pang kaso ng pamamaslang sa mga kapwa nila kagawad ng media.

Inaasahang mas mapakikinggan ang ilan pang panawagan para sa seguridad ng mga lokal na mamamahayag sa mga pagpupulong na lalahukan ni Khan sa labas ng KaMaynilaan, maging ang mga usapin mula sa iba’t ibang civil society organizations. Nauna na niyang inusisa ang isyu ng red-tagging ng pamahalaan at ang paghingi niya ng paliwanag ukol dito sa mga nakausap niyang mga opisyal.

Dikit sa masa

Sa kasalukuyan, nakatutok ang mas nakararaming mangingisda, mga magsasaka, at iba pa, lalo na sa mga isla, sa kanilang mga paboritong istasyon ng radyo bilang pangunahing pinagkukunan ng pinakasariwang impormasyon ukol sa panahon at mga usaping panlipunan gamit pa nga ang kanilang mga wikang panrehiyon.

Kaugnay nito, may mga pag-aaral na tumukoy sa pangit na kinalabasan ng hindi na pag-ere ng ABS-CBN sa radyo (at telebisyon) dahil sa napag-initan ng dating pangulo at tinanggalan ng prangkisa ng noo’y mga kaalyado niyang kongresista. Malaking dagok umano sa mga mamamayang nakatutok sa radyo ang pagpapasara sa mga istasyong malapit sa kanilang puso, bukod pa sa malapit ang mga naturang istasyon sa kanilang mga lugar. Sa oras ng kalamidad, mas hindi raw natutugunan ang pangangailangan ng mga tao sa pinakasariwang impormasyon at pagpaparating ng kanilang karaingan sa lokal at pambansang pamahalaan dahil sa hindi pag-ere ng mga istasyon ng radyo ng ABS-CBN.

Bukod sa TV, social media, online newspapers, at ilang limbag na pahayagan, ang radyo ay kabilang sa pinakapinagtitiwalaang pinagkukunan ng balita at impormasyon. Humahakot din ng mga parangal ang mga radio anchor/reporter, patunay na may mga tagapakinig na nagtitiwala at napagsisilbihan ng kanilang mga programang panghimpapawid.

Tele-radyo ang naging tugon ng mga himpilan sa paghahangad ng mga tao sa mas mahusay at makabagong anyo ng coverage ng mga brodkaster sa pagbabalita at pagkokomentaryo.

Sa mga mass media historian sa labas ng bansa, napansin nila ang pag-uugnay ng musika at balita noong 1920. Sa Amerika, nagsunuran ang mga pahayagan at mga elektronikong kompanya sa ganitong ugnayan para makalikom ng mas malaking kita sa broadcasting. Mula sa pag-afford ng radio receiver, ang mga kompanya ng radyo at pahayagan ay kumita ng malaki kaya’t pagdating ng 1925, umabot na sa 600 istasyon ng radyo ang umere. Nangyari ang technology transfer o naipasa ang teknolohiya sa mga bansang kagaya ng Pilipinas at dumami rin ang radio/broadcast activities, hanggang lumawak din ang sakop ng mga broadcasting company.

Matagal-tagal nang nangungunang AM radio stations ang DZRH ng Manila Broadcasting Company at DZBB ng GMA Network. Kasamang namamayagpag noon ang DZMM ng ABS-CBN bago ito mapasara dahil hindi pinalawig ng Kongreso ang prangkisa nito. Maraming nanawagang tigilan ang sablay na pagpapasara, pero nagtuloy-tuloy ang pagdidiin sa himpilan ng mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte. Pati ang nasa wanted list ng FBI na si Apollo Quiboloy na isa sa mga nagpapatakbo ng SMNI bukod sa meron siyang mga programa rito, nakiayon sa pagpapasara ng ABS-CBN.

Ang SMNI nama’y namayagpag sa kalokohan bungsod na rin ng impluwensya sa mga makakapangyarihan, pero bandang huli ay halos matulad sa sinapit ng ABS-CBN sa pagkakasuspende hindi lang isa kundi dalawang beses. Matatandaang sa tugon sa resolusyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, pinatawan ng 30 araw na suspension ng National Telecommunications Commission (NTC) ang SMNI noong Disyembre 21, 2023. Kabilang sa operasyon nito ang 13 istasyon ng radyo. Pagpasok ng bagong taon, indefinite suspension na ang ipinataw sa napakakontrobersyal na himpilang nakabase sa Lungsod ng Davao. Tinitingnan ito ng mga media and communication scholar bilang isang kaso ng pagkukunwaring news media outlet pero sadyang nahihirapan itong magkunwari.

Walang duda namang malawak ang kapasidad ng radyo (at TV) sa paglilingkod sa bayan. Sang-ayon nga sa probisyon na nakapaloob sa naipamimigay na 25-year franchises, silang mga grantee ay inaasahang magbibigay ng “adequate public service time to enable the government, through the said broadcasting stations or facilities, to reach the population on important public issues; provide at all times sound and balanced programming; assist in the functions of public information and education; conform to the ethics of honest enterprise; and not use its stations and facilities for the broadcasting of obscene and indecent language, speech, act or scene; or for the dissemination of deliberately false information or willful misrepresentation, to the detriment of the public interest, or to incite, encourage or assist in subversive or treasonable acts” or words to that effect.

Sa magandang itinatakbo ng kompetisyon sa radyo – nasasabi ko ito dahil sa ako ma’y tagapakinig din ng DZRH, Radyo5, Super Radyo, Bombo Radyo, at iba pang mahuhusay at respetadong himpilan – malayo sa katotohanan ang umano’y napipintong kamatayan nito dahil sa mas makabago at mas pinagandang ICTs. Sa halip, naipapamalas ng mga himpilan ng radyo sa Pilipinas ang kanilang resilience o katatagan. May katatagan na, may purong tapang (pure grit) pa ang mga paborito kong programang panradyo. Diba’t inspirasyon lang nila ang mga nagtatrabaho nang marangal gaya ng mga nakatutok sa kanilang mga tsuper, mangingisda, at magbubukid?

Mabuhay ang radyo!

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.