Robredo o Marcos: Kanino ka hindi mapalagay sa usapin ng term limits?

0
471

Patapos na ang termino ni dating Pangulong Marcos nang magdeklara siya ng Martial Law kaya tumagal pa ng dalawang dekada sa pwesto, samantalang panatag sa pangkalahatan ang loob ng mga taong gobyerno at mga mamamayan sa mga termino nila Cory, FVR, Erap, Gloria, Noynoy, at Rody. Hindi kapit-tuko sa pagkapangulo ang anim, at wala silang konkretong balak na magtagal sa Palasyo ng Malacañang dahil sa paggalang sa konstitusyunal na limitasyong manilbhin ng isang terminong anim na taon na walang re-election. Dama iyan ng mga namumuhunan mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kabaligtaran ito sa diktadurya ng tatay ni presidential frontrunner Marcos Jr, sapat para pahalagahan ng mga ekonomista ang lumabas sa pananaliksik ng isang global investment bank sa Japan na “more market-friendly” ang kanyang katunggaling si VP Leni Robredo.

Hindi man “term limits” ang pangunahing paksa ng naturang pag-aaral, kasama ito sa isinasaalang-alang ng mga tagapagtaya.

“Marcos Jr., in our view, will likely be regarded as less market-friendly than (Robredo), particularly when it comes to experience at the national level and in articulating a strategy for the country to recover from the pandemic,” dagdag pa nila Nomura chief ASEAN economist Euben Paracuelles at Rangga Cipta, Craig Chan, at Wee Choon Teo na mga tagapag-analisa.

May kaugnayan din sa pagtaya ng Nomura Global Research ang “previous conviction of failing to file income tax returns” ng nangungunang kandidato. Ito naman ang giit nila pabor kay Robredo: “(She) is likely seen as more qualified to oversee a post-pandemic recovery as the incumbent vice-president, as well as her platform of implementing a strategic roadmap that focuses on key sectors such as healthcare and education.”

Ayon naman sa isang think tank sa London, ang Capital Economics, may tsansang madaling lumala (“could easily get worse”) ang kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng panunungkulan ni Marcos Jr., at hindi sila mahikayat ng kung anumang nalalaman nila sa kanya (“What we do know about him is far from encouraging.”)

Ginawa ang magkahiwalay na pag-analisa ng dalawang nabanggit na institusyon ngayon lamang 2022. Isang pahiwatig ito na mismong international community, may kakaibang pangamba sa anak ng diktador. (Inaasahan ko ang paglalahad ng aming mga mambabasa sa kung ano naman ang magagandang pananaw meron ang ibang bansa kay Marcos Jr, at kung meron, ipagbigay alam sa amin.)

Mahalagang maipaliwanag ang term limits na merong kaugnayan sa mga alituntuning pulitikal, sosyal, at pang-ekonomiya:

Niratipikahan ng mas nakararaming tao ang 1987 Constitution. Maliwanag na umayaw na talaga ang mga tao sa 1973 charter, anupa’t ang rebolusyon sa EDSA o People Power ay labag sa konstitusyong nabuo noong panahon ng rehimeng Marcos. Kabilang ang probisyong walang pangulo ang maaaring mahalal muli at dalawang termino ang pwede lamang payagan sa pangalawang pangulo na ganito ang saktong nakasaad: “The President shall not be eligible for any re-election. No person who has succeeded as President and has served as such for more than four years shall be qualified for election to the same office at any time. No Vice-President shall serve for more than two successive terms.”

Mas nakabubuti ang pagpapalit ng bagong pangulo kada anim na taon bilang pagkakataong makapag sanay ng mga susunod na lider ng bansa. Naiiwasan din sa ganito ang sobrang pagmamalabis dahil “power corrupts” gaya ng karanasan natin nang pamunuan tayo ni Marcos sa dalawang termino.

Simula ng magkaroon tayo ng bago at patuloy na umiiral na Saligang Batas ay nagtatapos ang lahat sa usaping, “Masyadong mabilis ang anim na taon sa mabuting pangulo, ngunit masyadong matagal sa masamang pangulo.”

“Let the people decide?” Hindi parati. May mekanismo para diyan. Samantala, ang mga mapagsamantala ay gagawin ang lahat – as in lahat kasama na ang ibenta kay Satanas ang kaluluwa – para lamang mapilitan ang mga taong iboto pa rin sila. Matagal na tayo sa term limits sa pambansa at lokal na elective positions. Walang taong kailangang kailangang kailangan. Kailangan ng mga lider na maging sport sa pagsasanay sa mga susunod sa kanilang yapak.

Alam ni Robredo ang wisdom ng term limits dahil abogada siya at ekonomista. Nakakatakot namang ipagsapalaran ang ganitong limitasyon sa paninilbihan ng mga kagaya ni Marcos sa mundo. Si Marcos Jr., sa kanyang panayam kay Jessica Soho, pinahalagahan niya ang pagpapanatili sa pwesto ng kanyang tatay ng higit pa sa taong 1986. Grabe. Hindi sapat ang 21 taong “pamumuno”?

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.