Simpleng pamumuhay, masalimuot na halalan, at makabuluhang pagbabago

0
615

Kumusta ang pamumuhay sa Pilipinas? Simple pero rock. Ang mga nagdaang eleksyon? Masalimuot. May nagbago ba sa bansa? Meron at makabuluhan iyon.

Hindi biro ang mag-analisa ng tatlong paksa ng pamumuhay, halalan, at pagbabago. Ngunit sa aking tungkulin sa mga patnugutan hanggang sa aking pagka-editor kinalaunan sa aking pagreretiro – higit apat na dekada sa pamamahayag – hindi ako nawalan ng pag-asang aahon sa hirap ang ating mga kababayan. Marami na akong nasulat na istorya ng katatagan, matalinong pagpapasya, at pagbabago. Hindi maiaalis ang mga ulat ng kriminalidad, katiwalian sa pamahalaan, pagbagsak o mahinang paglago ng ekonomiya dahil sinasalamin lamang ng media ang kaganapan sa lipunan, bagama’t naging malabong salamin ito noong 1972 to early 1980s.

Masarap sa pakiramdam na malaman sa iba’t ibang pamantayan o measurement na magagaling sa pangkalahatan ang mga kabataan. Mulat sa bagong teknolohiya ng information and communication technologies (ICTs) at marahil halos laging handa sa paparating na mga innovation. Wala silang takot sa paghawak at paggamit ng gadgets. Kakaiba ang antas ng pagkatuto sa ICT; praktikal, mabilisan at dahil dito’y sila pa ang nakapagtuturo sa mga nakatatanda kung paano makasasabay sa mabilis na agos ng pagbabago sa teknolohiya. Asset na maituturing ang partikular na sektor ng kabataan sa kabuuang human resources. Early 2000s nagsimula ang kakaibang pihit sa manpower requirements kung saan, lamang na natatanggap ang mga batang propesyunal dahil sa sila’y tech-savvy. Fast forward tayo sa 2022, tech-savvy consumers ang laging inaalala ng mga negosyante’t mamumuhunan, at nakatulong nang malaki ang pinakitang magandang ugali ng mga bata para harapin, aralin, at gamitin ng mga matatanda ang mga pinaunlad na PC, smartphone, at electronic means of communication lalo na’t real-time ang pagkakagamit at masyado palang madaling gamitin.

Ibig sabihin, merong knowledge management na dapat tutukan. Nangunguna ang Sweden diyan (nasa 0.945 ang Human Development Index). Kailangan nating sundan ang best practices sa maunlad na bansang iyan, pati na rin Finland, Denmark, Netherlands, Norway, Australia. Dahil diyan, balikan natin ang pagkakagamit ko ng salitang mulat patungkol sa kabataan: Kulang na kulang tayo sa suporta sa kanila pagdating sa education budget. Pinakamataas nga ang budget dito taon-taon batay sa General Appropriations Act na nilalaan ng Kongreso, pero kung susuriin, hindi natutugunan ang mga pangunahin nilang pangangailangan sa pagkalap ng karunungan, sa access sa Internet, sa pambayad ng kuryente at iba pa. Mas marami pa sana tayong maiuulat na Filipino discoveries kung sapat ang suportang pinansyal sa mga kabataang mag-aaral. Tuloy, kulelat o pangalawa sa kulelat tayo sa pagbabasa, sa matematika, at sa agham, bagama’t may mumunting tagumpay mula sa ilang kabataan.

Mulat na rin ba ang mga kabataan sa katotohanan pagdating sa usapin ng tamang pamamahala? Oo at hindi. Maraming kolehiyo at pamantasan na nagkanlong ng mga bagong botante sa Mayo na sa pangkalahatan ay hindi magma-Marcos Jr. Ang hindi naman natin masyadong makita ay ang katatagan at impluwensya nila sa mga matatandang napag-iwanan ng teknolohiya, maging ng “internet of things.” May mga kwento pa rin ng ilang kabataan na umaasa sa kwento ng kanilang lolo, lola, tatay, nanay, tito at tita na wala naman o kulang sa makabagong research skills gaya ng pinatungkulan nating suliranin sa itaas. Magkaugnay iyon; nasa kabataan ang enthusiasm sa ICT, pero hindi awtomatikong naipapasa ang kanilang kaalaman sa mga matatanda na ibig sabihin lang, maaaring malinlang sila ng pagtuturo ng mga matatanda lalo na kung ang mga matatanda ay hindi na o pagod na, sawa o wala nang interes sa online but proper and official documents as well as court decisions. Agad nilang gagamitin ang kanilang karanasan at simpleng pakiramdam sa kung ano ang nangyari sa kanilang kapanahunan kahit pa walang maayos na batayang legal, opisyal, at nailathala ng mga respetadong mamamahayag at manunulat. Marami pa ngang biktima ng fake news ay pawang matatanda. Hindi pa naman huli ang lahat sa bagay na iyan para talagang mamulat ang marami nating kabataan, kaya abangan natin ang desisyon nilang mag-Marcos Jr. o hindi sa balota.

Natalo na siya noong 1995 sa pagkasenador, nanalo sa parehong posisyon kinalunan, at natalong muli noong 2016 bilang pangalawang pangulo. Dinala ng mga kabataan ang kanyang katunggaling si Leni Robredo. May magandang senyales doon, ngunit ang eleksyon naman sa bansa’y napaghahandaan ng mga talunang pulitiko at kakaibang paghahanda ang ginawa ni Marcos Jr. sa haba ng ginugol na oras sa paghahanda. Marami ring pananaliksik – kasalukuyang hindi pa natitibag – na nagsasabing nangunguna siyang nakikinabang sa mali o pekeng impormasyon, samantalang si VP Leni naman ang nangungunang biktima ng ganitong palakad ng troll armies. Hindi tumigil ang dating senador sa pangangampanya noong matalo siya ni VP Leni. Hindi natin nasaksihaan ang kalimitan namang pagtanggap ng pagkatalo ng mga kandidato sa matataas na posisyon sa panig ng ngayo’y nangunguna sa kandidatura sa pagkapangulo (meron nga ba sa inyong nakabasa ng “Marcos Jr. (or Marcos) concedes”?), pero kasama iyon sa taktikang pulitikal ng mga umaalalay sa kanyang propaganda para makabalik sa pwesto o magkaroon ng malaking tsansa sa eleksyong pampanguluhan.

Patuloy lang tayong magmamatyag, patuloy lang tayong mamumuhay nang simple, at patuloy lang tayong magbibigay ng kahalagahan sa makabuluhang pagbabago.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.