Punong kahoy na alaga sa pruning, nagbibigay ng mas matamis na bunga

0
1457

Noong ako ay bata, kapag panahon ng lanzones ang tawag namin ay tag ginto. Ang mga bata at matanda noong panahon na iyon ay talagang maraming pera kahit wala silang sariling lansonisan.  Magsipag lang sila sa pamumulot ng mga laglag na bunga ng lanzones tuwing may magha harvest ay magkakapera na. Nakakatuwa at nakakagulat dahil pagkatapos ng anihan, ang mga ordinaryong magsasaka ay nakakabili television, electric fan, bagong kurtina, bagong damit, bagong sapatos at kung ano ano pang bagong kagamitang pampersonal o pantahanan. 

Ngunit paano ba natin aalagaan ang ating mga puno ng lanzones upang mamunga uli ng masagana sa susunod na taon? Paano natin mapapaganda ang kita? Sapagkat sigurado, kapag hindi naging mabunga ang mga ito ay liliit din ang kita ng ating mga magsasaka. 

Isa sa mga  epektibong paraan ay pruning. Ginagawa ito kada taon pagkatapos mag ani. Katulad ng ating mga tahanan, mahalaga na ang mga puno ay magkaroon ng bintana at pintuan upang pumasok ang hangin at makalikha ng magandang sirkulasyon at makatagos ang sapat na sikat ng araw upang hindi pamahayan ng mapaminsalang kulisap.

Sa halos lahat ng fruit bearing trees ay applicable ang pruning. Pwede ito sa mangga, abokado, rambutan, bayabas, tsiko at marami pang iba. Maging ang mga gulay at herbs gaya ng sili, basil, sage, thyme, rosemarie, kalabasa, kamatis at talong ay hiyang din sa pruning.

Sa pagpu pruning ng mga bungang kahoy, tinatanggal natin ang mga tuyong sanga o mga sangang hindi productive ng sa gayon ay ang mga productive na sanga ang makinabang sa sustansya na galing sa lupa.

Ang sistema ang pagpu pruning na aking ginagawa ay gumagamit ako ng clock reference system. Pinuputol ko ang mga sanga na nasa alas dose at itinitira ko ang mga sanga sa alas nuebe. Ang mga sanga na ito ang magbibigay ng masaganang bunga sa susunod na taon.

Tiyakin na ang mga puputulin na sanga ay 2 pulgada ang taba o mas maliit pa. Iwasang magputol ng malaking sanga sapagkat maaari itong magsanhi ng woodwound o sugat ng punong kahoy na pwedeng pagsimulan ng pagkabulok. Kung hindi maiiwasan na pumutol ng malaking sanga, tiyakin natin na papahiran natin ng sahing o pintura ang pinagputulan upang hindi pasukin ng tubig.

Sa tamang pruning, kahit isa lamang ang iyong puno ay nakakatiyak ka sa masagang ani sa susunod na season. Higit sa lahat, ang punong alaga sa pruning ay namumunga ng mas matamis na bunga na sabay sabay kung mahinog.

Sipag ang kailangan sa gawaing bukid na ito. Ngunit nararapat nating ugaliing gawin kada taon para sa magandang ani.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.