Maraming ekonomista noong araw ang nagsasabing hindi sinusugpo ang kahirapan, kundi binabawasan. Sa paglipas ng halos kalahating siglo, ganito na ang hamon: Sugpuin ang kahirapan. Kung United Nations Development Programme (UNDP) ang tatanungin, tahasan ang mithiin dahil may deadline pa nga: “pagsugpo sa kahirapan sa 2030.” 170 mga bansa at teritoryo ang saklaw ng pagkilos ng UN at kasamang kumasa sa hamon ang Pilipinas. Ang pagsugpo (hindi lang basta pagbabawas) ng kahirapan sa lahat ng anyo nito ay ang tinuturing na unang mithiin, bukod sa 16 pang kaugnay na mga mithiin (17 Sustainable Development Goals, 2015). Walong taon na lang, on target pa ba?
Ang sagot ko: hindi kaya dati, hindi rin kaya sa 2030. Tama ba ang hinala ko? Oo. Ang sagot ng ulat ng UN sa parehong tanong: “Hindi na”. Mahalagang malaman ang latest. Ayon mismo sa UN Report 2021:
“The effects of the coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic have reversed much of the progress made in reducing poverty, with global extreme poverty rising in 2020 for the first time since the Asian financial crisis of the late 1990s. Even before COVID-19, the world was not on track to achieve the goal of ending poverty by 2030, and without immediate and significant action, it will remain beyond reach. The crisis has demonstrated more clearly than ever the importance of disaster preparedness and robust social protection systems. While the number of countries with disaster risk reduction strategies has increased substantially, and many temporary social protection measures have been put in place in response to the pandemic, increased efforts are needed on both fronts to ensure the most vulnerable are protected.”
Bago pa tumama sa mundo ang kasalukuyang pandemiya, hindi na raw mahihinto ang kahirapan sa 2030. Para bang naglolokohan tayo sa “bold commitment” na ito. Sisihin ang aking old-school approach sa bagay na ito? Pero tumama naman ako. Maling pagtaya ang anuman sa 2030, at hindi ko masisisi ang mga nagkakaisang bansa dahil malayo na rin naman ang narating ng paglaban sa kahirapan sa iba’t ibang panig ng mundo, sapat para higitan ang mga naunang target. Ang akin lang, masyadong matayog at sobra sa bilis ang target na 2030. Gut feeling ang akin. Sa biyaya ng Diyos, hindi ko naman tinantanan ang isyu ng kahirapan sa aking pagiging abala sa pag-uulat ng mga datos ng pamahalaan at pribadong sektor, sa aking pagiging business reporter/editor, sa pagiging isa sa mga opisyal na tagapagtatag ng Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP). Maging ang National Economic and Development Authority (NEDA) at iba pang sangay pang-ekonomiya ng pamahalaan, natutukan ko at ng aking mga kapwa miron mula sa tri-media. Bibihira pa nga kaming nabigyan ng pagkakataong kilatisin ang tunay na kalagayan ng pag-unlad ng Pilipinas sa balanseng perspektibo: mga naging manunulat ng pamahalaan at manunulat din sa mga pribadong dyaryo sa magkakaibang panahon.
Hindi ko nais busisiin ang mga ulat ng pag-unlad sa ngayon. Malawak iyon na nangangailangan din ng masigasig na reportorial team. Ngunit mayroong available resources sa magkakahiwalay at magkakatuwang na institusyon ng pamahalaan at pribadong sektor. Ang totoo, napakarami at napakadaling makuha ang mga ito, pwede ring by request sa Freedom of Information (FOI) platform. Dahil dito, dumarami rin ang pag-aanalisa sa kabuhayan ng Pilipinas, nasa loob man ng bansa ang mananaliksik o nasa ibayong dagat. Ang tanong: May tiyaga ba ang mahihirap nating kababayan sa economic information and analyses? Totoong mahalaga ang aktibong partisipasyon sa pagdedesisyon ng lahat ng uri ng tao, kabilang ang mga nasa rural na pook at urban poor, pero hindi natin sila masisisi sa kung ano ang kanilang nakikitang paraan sa buhay at mga prayoridad sa buhay.
Katulad ng mga araw ngayon, napapanahon ang pagkilatis sa mga aplikante sa mga posisyon ng paglilingkod sa lokal at pambansang pamahalaan, pati ang makikipamahay sa Palasyo ng Malacañang sa anim na taon. Dahil sa may karanasan tayong magpatalsik ng pangulo hindi lang isa kundi dalawang beses noong 1986 at 2001 sa pamamagitan ng tiningala sa mundong EDSA People Power (tiningala dahil sa “mapayapang paraan ng pagbabago”), mahirap iasa sa mga mahihirap nating kababayan ang tamang pagkilatis sa mga gustong mamuno. Masyado na silang pinahirapan ng sitwasyon, bukod pa sa nilinlang ng mga mapagsamantala. Kailangan natin silang tulungan sa aktibong partisipasyon sa pagdedesisyon sa paraang kadama-dama o nararanasan. Inclusive growth ang maitutulong natin sa kanila. Mahirap ipaintindi sa kanila ang inclusive goal/s. Kailangang magpanabay ang pagtulong sa kanilang kabuhayan at paglinang sa kanilang kaalaman o sapat na edukasyon at sapat na panlipunang paglilingkod. Hindi rin pwedeng isisi sa mga mahihirap ang maling pagpili ng mga iboboto dahil sumusunod lang naman sila sa agos. Gaya nga ng nabanggit na, sila man din ay may sinusunod na prayoridad katulad ng paghahanap ng makakain sa maghapon, pamasahe bukas makalawa ng mga naghahanap ng trabaho, gastusing medikal at pang-edukasyon ng mga anak, pati na ang gastos sa bahay kung meron mang bahay o inuupahan. Maraming matututunan ang ultimate decision makers sa mga mahihirap nating botante. Kailangang makihalubilo sa kanila, makialam sa kanilang hinaing. Magdahan-dahan tayo sa maling pagturing sa kanila (pinakahuli’y “bobotante”) dahil pangunahing inaasahan nila ang mapalaya sila sa kahirapan na tungkulin ng Estado sa kanila, constitutionally and morally speaking.
Matuto nawa ang mga nakaluluwag sa buhay sa mga aral ng kalagayan ng mahihirap nating kababayan na boboto na naman at muling aasa na maiaahon sila sa kahirapan. At para naman sa mga gustong mapalaya sa kahirapan, bigyan nawa nila ng panahon ang kaalaman at karunungan na maaaring mangahulugang maghanap ng tamang mapagtatanungan o mga eksperto. Isa na rito ang pagbibigay ng panahon na malaman kung sino talaga ang may alam sa ekonomiya at subok na sa tapat na paglilingkod.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.