Tanong sa mga nagtatanong

0
1388

May kwestiyon ba sa mga kumukwestiyon? Bisitahin ang FOI website ng Pilipinas nang magka-ideya sa pagiging lehitimo ng tanong sa mga tanong at sa mga nagtatanong. Importanteng sundan ang susunod na kabanata sa mga ganitong klaseng dyalogo: “Hindi ka na dapat magtanong” at “Bakit hindi?”

Nakadepende sa tanong, minsa’y sa nagtatanong, sa oras, at sa lugar.

Sa magulong mundo ng mga aktibo sa social media, may mga ekspertong tumitingin din sa kaugnayan ng walang patumanggang pag-uusisa sa tunay na usaping tapos na, ngunit binubuhay pa, na ang nakatagong motibo ay pagtakpan ang tunay na bagong usapin o ang matabunan ang isa sanang magandang tema ng malayuning komunikasyon. Kung hindi mag-aaral nang husto ang mga kabataan, malilinlang talaga sila ng mga manipuladong accounts sa social media, at hindi rin naman sa panahon ngayon uubra ang basta magtiwala sa dunong ng mga matatanda dahil meron sa kanila, napaglipasan na ng teknolohiya at walang interes na pag-aralan pa ang mga bagay-bagay  o Internet of Things, kung ipagpapalagay na meron silang panggastos sa internet connection sa bawat araw. Para matiyak na legit ang nababasa, kailangan talagang maglaan ng oras sa pagpoproseso ng nakukuhang impormasyon o datos, kasama na ang pag-alam kung ang pinagkunan ba ng mga ito ay may totoong pangalan ng tao o institusyon. Gumawa ng verification sa kanila. Walang shortcut sa prosesong ito dahil na rin sa ang mga orihinal na tagapag hasik ng mga pekeng balita’t impormasyon ay lalong namamayagpag sa ngayon. Tandaan na kahit naka video pa, may pag maniobra ring pwedeng maganap. (Huwag ding magpabolang “Ito ang eksaktong sinabi ng mabuting lider” sa video ngunit sa salita lang pala, hindi sa gawa). Sa bandang gitna o dulo ng pagpoproseso ng mga nababasa (gayundin ang mga naririnig): pagbalangkas ng tanong.

Sa pagkukwestiyon, ipinamamalas natin ang intelligent skepticism o matalinong pagdududa. Maaari munang sarilinin ang prosesong ito upang maiwasang makapanakit ng damdamin ng kapwa na pinagdududahang baka merong hindi tama, hindi akma o half-truth sa pinakawalan ng bibig o ng panulat. Matalino ang pagdududang ito dahil ang pakay ay mamuhay sa tama at, kung may mali, itama ang mali matapos ang proseso ng deteksyon ng mali. Matalino dahil hindi na aabot pa sa bingit ng alanganin na ang pinanghahawakan ay pawang katotohanan lamang. Panghuli, matalino dahil sa panahon ng mas malalang paghahasik ng fake news, maling impormasyon, at iba pang uri ng panlilito, lumalabas na makabagong katungkulan ng mga mamamayan ang pagbibigay ng ambag sa susunod na henerasyon na kahit sa knowledge economy, nakabilang sila. Ika nga, edukasyon ang tanging pamana natin sa mga mapag-iiwanan nating henerasyon at patuloy itong itinuturing na sandata sa paglaban sa kahirapan.

Kung bakit naman natin, sa pangkalahatan, ikinagagalak ang mga pagkukwestiyon ay sa kadahilanang kasaysayan na ang magtuturo sa sangkatauhan na mas maigi pang magkwestiyon at sa huli maliwanagan kaysa huli na ang lahat, saka mo lang malalamang bilog pala ang mundo, sa halip na lapad. Sa pagtatanong, nadaragdagan ang tugon nito sa sentido kumon. Kung wala pang tugon, mahalaga’y nasa kwalipikasyon ito ng tanong na naghihintay pa ng kasagutan. Hindi magpapadalos-dalos kung talagang mahirap ngunit lehitimong kwestiyon. Ganyan din sa kagawad ng media, na nangunguna sa paggamit ng kapangyarihang itaas ang kamalayan ng mga tao sa pamamagitan ng pagtatanong at singilin man lamang sa sagot ang mga mas maykapangyarihan. Ika nga, “Huwag lang bow ng bow.” Iyan kasi ang gusto ng mga mapang-api. Meron din silang pagmamanipula, na lumalabas na epektibo, sa “larangan” ng paghahayag ng kanilang mga kontribusyon sa lipunan o mga nagawa nila habang nasa posisyon. Para bang sinasabi nilang, “Pasalamat kayo dahil sa proyekto.” Tama ang maging mapagpasalamat, pero hindi sa puntong kahit kwestiyonable na ang proyekto, wala pa rin tayong pakialam at wala pa rin tayong kwestiyon man lamang. Tulong na natin sa mga pinuno ang huwag silang malasing o mapariwara sa kapangyarihan, na dahil sa ating matalinong pagdududa, naka kondisyon na sa isipan nila na tayo’y hindi palalamang at patuloy na nagmamatyag, mag-uusisa, magtatanong at hihingi ng karampatang tugon o aksyon.

Sa ekonomiyang pulitikal ng mga katiwalian (graft and corruption), nagiging cycle na ito dahil sa kawalan ng tanong sa kung saan gagamitin ang kaban ng bayan, kung paano ito gagamitin, kung gaano ito mapoprotektahan gamit ang accountability, transparency, at iba pang de kalidad na paraan ng pagkukwenta nito. Hindi natin dapat isuko ang pangarap natin sa tapat na pamumuno dahil lamang sa cycle na ito. Tapat ang Diyos noon at kailanman sa mga buhay natin. Sa halip na itanong, “Matagal nang hindi nasusugpo ang korupsyon kada may umuupong pangulo, kaya bakit hindi na lang tayo makiisa?” ang mas matalinong tanong ay patungo sa makatotohanang pagpapaganda ng kinabukasan. Pagkaisahan natin ang tanong: Paano tayo tutugon sa likas na panawagan ng mga kabataan na gawing bukas sa diskusyon ang kanilang magandang bukas?

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.