Unang kaso ng Mpox sa Pilipinas ngayong taon, kinumpirma ng DOH

0
253

MAYNILA. Naitala ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng mpox sa bansa ngayong taon, ilang araw matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) ang mpox bilang isang global public health emergency.

Ayon sa DOH, umabot na sa 10 ang kabuuang kaso ng mpox sa Pilipinas, kabilang ang mga kaso mula sa nakalipas na taon—ang pinakahuli ay noong Disyembre 2023.

Ang bagong kaso ay isang 33-taong-gulang na lalaking Pilipino na walang kasaysayan ng pagbiyahe sa ibang bansa, ngunit nagkaroon ng close at intimate contact tatlong linggo bago lumabas ang mga sintomas. “The [new] case is a 33 year old male Filipino national with no travel history outside the Philippines but with close, intimate contact three weeks before symptom onset,” ayon sa DOH.

Nagsimulang makaranas ng lagnat ang pasyente mahigit isang linggo na ang nakalipas, at makalipas ang apat na araw, lumabas ang mga rashes sa kanyang mukha, likod, batok, katawan, singit, pati na rin sa mga palad at talampakan.

Dinala ang pasyente sa isang government hospital kung saan kinuha ang mga specimens at sinuri gamit ang real-time polymerase chain reaction (PCR) test. “PCR test results are positive for Monkeypox viral DNA,” ayon sa DOH.

Sa kasalukuyan, naka-isolate ang pasyente, ayon kay Health Secretary Ted Herbosa. “Three weeks ang recommended period of isolation. 21 days ‘yun, until mag-dry up ‘yung mga lesions sa balat,” dagdag niya.

Lahat ng mga nagka-mpox sa Pilipinas ay gumaling na, ayon sa DOH. Pinapaalalahanan din ni Herbosa na kahit sino ay maaaring mahawahan ng mpox sa pamamagitan ng close at intimate contact sa taong infected ng virus. Maaari ring maipasa ang virus sa pamamagitan ng paghawak sa kontaminadong gamit o sa pakikipag-ugnayan sa infected na hayop. “Pero soap and water will kill the virus,” dagdag ni Herbosa, na binigyang-diin na hindi na kailangan ang paggamit ng facemask.

Pagdating sa paggamot, sinabi ni Herbosa na ang mga sintomas lamang ang ginagamot. “Supportive care. ‘Yung sintomas mo ang ginagamot. Kapag nilalagnat sila, bibigyan sila ng paracetamol. Kung may makati sa kanila, anti-kati at aalagan ‘yung mga lesions nila,” ani Herbosa. Para sa mga pasyenteng may comorbidity, maaaring mag-prescribe ang doktor ng antiviral na gamot, ngunit hindi lahat ay bibigyan. “Kung healthy ka, magre-recover ka without problem,” patuloy niya.

Ang deklarasyon ng WHO ng global public health emergency ay kasunod ng outbreak ng mpox sa Democratic Republic of Congo at mga kalapit na bansa. Umabot sa 38,465 ang mga kaso ng mpox sa 16 na bansa sa Africa mula Enero 2022, kung saan 1,456 ang nasawi.

Ayon sa WHO, tumaas ng 160% ang mga kaso ng mpox ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.