Walang resibo, walang katarungan, walang napapala sa nakalululang pondo

0
465

Pagtiisan ang baha. Pagtiisan ang tagtuyot. Kung tiis-tiis lang ang solusyon, maaaring nakakasanayan na ng mga mamamayang pagtiisan pati ang katiwalian sa pamahalaan. Kung hindi ilalapit sa Diyos ang suliraning panlipunan, maituturing itong pagsuko sa mga pangarap sa ating mga mag-aaral, mga anak, at susunod na henerasyon.

Subalit makatotohanan at makatwirang pagtitiis ang nais Niya, bukod pa sa pag-asang maganda at kaaya-ayang buhay ang hatid Niya kung pakikinggan natin Siya gaya ng nasusulat sa Lumang Tipan:

“Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman. Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani. Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas. Sapagkat alam ko kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap. Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang. Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi. Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose…

“Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo. Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas. Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.

“Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, ‘Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon. Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin. Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa. Sa halip, nais kong makita na pinaiiral ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.’” (Mga bahagi ng Amos 5)

Noon pa man, Diyos ang nagtitiis sa mga bansa sa paghihintay na magpakumbaba sa Kanyang harapan, hindi sa harapan ng mga kapwa tao, mga pinuno, at mga naghahari-harian. Hindi malayong maintindihan ito ng maka-Diyos na Pilipinas, at kung naiintindihan, dapat magpakumbaba ang mga mamamayang Pilipino na Siya lamang ang makapagsasalba sa kanilang kalagayang pisikal (at pangkaluluwa).

Halimbawa, bakit ipipilit magtiis sa baha kung talagang maayos ang paghawak ng pera sa pagawaing bayan? Ibig sabihin nito’y may matinong relokasyon, pabahay, siyentipikong pagtugon sa mga kalamidad, at iba pang sapat na serbisyo. Bakit ipipilit magtiis sa init at tagtuyot kung sapat ang daloy ng abot-kayang tubig, patubig, at kuryente?

Sa mga paaralan, inuuna ba nating pagkagastusan ang mga programang tunay na kailangan upang tuluyan nang makabasa ang mga bata at makaunawa sila ng kanilang mga binabasa? May mga resibo ba tayo ng gastusin? O isinuko na natin sa mga mapagkakatiwalaan nating pinuno? Marapat lamang na boluntaryo silang naglalantad ng mga pruweba ng gastusin sa pampublikong sektor ng edukasyon, ngunit baliktad pa ngayon ang nangyayari. Sasanayin pa tayo sa pondong “confidential” samantalang napakalinaw naman ng misyon ng edukasyon, mapa panahon ng pamamalakad ng DepEd, DECS, MECS, DECS, at DepEd ulit. Hindi natural ang intel funds o confidential funds kung hindi iuukol sa hanay ng hukbong sandatahan at pulisya. Samantala, patuloy tayong nagpapaalala sa mga konseho ng mga mag-aaral, mga samahan ng mga guro, maging sa ating mga pinag-aaral bago at paglabas ng bahay na magpakita sila ng resibo na kanila namang ginagawa dahil alam nilang iyon ang tama. (Ang hirap nito, baka pati sa barangay, mauso o palusutin na rin ang walang resi-resibo.)

May mga pagkakataon pa ngang bahagi ng mabuting-asal ang boluntaryong magpakita agad ng tiket sa bus, resibo ng matrikula at gastusin sa mga biniling mga bagay para sa school projects. Hindi natin inaabuso ang tiwala ng ating mga magulang at pangalawang magulang sa paaralan. Nagpapa-audit pa tayo sa Commission on Audit (COA) at pagkatapos, “OK” lang naman pala ang confidential. Malulula tayo sa milyon at bilyong pisong pondo, pero hindi natin masukat ang laki ng paggasta dahil wala namang inilantad at ilalantad pagdating sa auditing.

Hindi maganda ang mga nangyayari dahil na rin sa hindi tayo nagpapakumbabang humingi ng gabay sa gobyerno sa langit. Kung ikaw ang diyablo, uunahin mo nang paligiran ng iyong kampon ang mga palasyo sa Buckingham, Malacañan, White House, at iba pa. Papaypayan mo pa nang husto ang mga natutulog sa mga mahahalagang pwestong pang-edukasyon, kalusugan, at agrikultura. Pag-aawayin mo ang mga bansa sa kanilang teritoryo at gagamit ka ng mga traydor na sa pag-akto bilang mga pinuno ay sarap na sarap gumastos sa perang hindi kanila. Simple lang naman: Kampihan ang Diyos na bukas sa lahat, makatarungan, at mapagpala. Kalimitan kasi sa pagdiskarte ng tao, batas din ng tao ang ginagamit para makausad sa pansariling interes habang nawawalan ng karakter ang tao at tila hindi na niya nararamdaman ang sakit (ng walang konsensya) bagamat tumatalab paunti-unti sa mga walang kamalay-malay na mga bata.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.