Yapak na susundan, ehemplo ng kabataan at kinabukasan ng pamamahayag

0
662

“Ang hirap ‘nyo namang pakiusapan! May makakain kayo dahil sa amin, may hanap-buhay kayo dahil sa amin, at nabubuhay kayo dahil sa amin. Tapos ito ang igaganti ‘nyo? Wala na ang mga mahal namin sa buhay, at hindi na namin hihintayin na kami naman ang mawala nang walang paghihiganti!”

Ito marahil ang tugon ng kalikasan kung makakapanayam. Hindi makapagsalita, pero tagos-buto, dugo’t laman kung magpadama ito ng sukli sa ating kasamaan o kabutihan. Marahil umiiyak ito, nagmamakaawa: Tigilan na ang walang habas na pagputol ng mga puno, iresponsableng pagmimina, at polusyon sa anyong tubig. Bagama’t meron na tayong writ of kalikasan (gawang Pinoy) kumpara sa gawang banyaga na ipinatutupad din natin sa ating hudikatura – writs of Amparo and habeas corpus – nananatili pa ring malaking usapin ang pagkasira ng kagubatan at karagatan, mapa lokal man o pandaigdigan. Kaya kung tawag ng tungkulin ang pag-uusapan, maigi pang pumanig sa kalikasan. Paano masasabing “wise” (“wais” kung salitang balbal na una nating nabanggit noong nakaraang Miyerkules) ang mamamahayag? May kinalaman ang pagiging wais ng mamamahayag sa etika ng kanyang larangan. Ituloy natin ang pagtuturo:

Kabilang sa nailathala kong mga artikulo sa environmental journalism ang sakuna sa minahan ng Marcopper sa Marinduque at ang pangangalaga (o kawalan nito) sa Laguna de Bay. Merong “envelopmental” sa environmental journalism at iba pang uri ng pamamahayag na kung magpapasilaw sa perang nakapaloob sa envelop o magpapasuhol ang mamamahayag, hindi mailalantad ang totoo o kalahati lang nito ang maiuulat. Bago mo makapanayam ang bundok at lawa (ipagpalagay nating magsasalita), kalbo na o mga troso na lang at usok ang meron sa bundok, samantalang fish kill, red tide, at malulusog pero nagpapabarang water lilies naman ang meron sa lawa. Kung makapagsasalita ang mga halaman at puno, mga halamang dagat, at mga isda, walang ibang ituturong salarin kundi ang mga tao na may mga mapangwasak na gawain. Napakarami nang pagputok ng bulkan, pagbisita ng bagyo, at iba pang likas na kalamidad, pero sadyang maligaya naman ang mga nilalang sa kabila ng mga ito. Man-made disasters ang nagpapa lungkot sa kanila, kung hindi man, pumapatay sa kanila. Maigi nga kung magaganap ang interview sa kanila gamit ang angking husay at pagkamalikhain ng journalists, video and photojournalists.

Ipinadala kaming mga mamamahayag na nakabase sa Metro Manila sa malayong nayon ng Boac at minarapat ng marami sa amin na sumisid sa bahaging hindi masyadong apektado ng tagas ng mina, ngunit alam naming delikado noong 1996, hanggang ngayon, ang mga anyong tubig sa islang lalawigan ng Marinduque. Mula noon hanggang ngayon, ginagawa ang pagsasanib o pool of reporters upang hindi maisahan o maloko ang iilang manunulat mula, pero hindi naman lahat, sa community newspapers. Kunsabagay, bihirang bihira pero posible rin namang may panunuhol at pag-ayaw dito ng editorial offices sa Kamaynilaan. Kalunos-lunos ang sinapit ng kapaligiran ng Marcopper at kinalaunan, 50-year moratorium ang ipinatupad sa mga malalaking operasyon ng pagmimina sa probinsya. Kalimutan na natin ang malilikhang trabaho sa pagmimina sa Marinduque, wala namang matibay na batayan na makapagpapaahon ito sa hirap sa mga taga-rito, maging sa buong Pilipinas. Sa panulat ni Christian Monsod na nauna niyang ibinahagi sa conference noong 2012: “The mining industry is correct in pointing out that the statistics do not establish causality. But the data at least shows an association between mining and poverty that raises questions on the claim that mining improves the quality of life in its communities.”

Ganoon din naman sa mga pag-aaral ni Cielito Habito (2010, 2011). Ayon sa mga sumangguni sa kanya, “Mining could be one of the key drivers of growth for the Philippines economy in the future, but reforms are needed to ensure that growth is inclusive and is of the greatest possible benefit to the nation.” Maging ang Mines and Geosciences Bureau ng DENR, “minor” lang din ang tingin nito sa ambag ng industriya ng pagmimina kaya, dumating man ang mas epektibong awareness campaign para rito sa panahon ng panunungkulan nila Benigno Aquino III at Rodrigo Duterte, kailangan pa rin ang masusing pagsisiyasat sa kalagayan ng mga minina, minimina, at miminahing mga lugar sa bansa.

Kung tutuusin, pananakot, kung hindi man, suhol ang paraan ng masasamang elemento para paboran sila sa kanilang mga gawain. Sa ganito, malaki ang tsansang mapatahimik nila ang mga mamamahayag sa paglalahad ng katotohanan sa kanilang mga ulat o follow-up stories para mas mailahad ang sariwang kaganapan. “Malaking tsansa” dahil “isang bala ka lang” o kaya’y mangungusap ang pag-ibig sa salapi, ugat ng lahat ng kasamaan sa turo ni Pablo, kasama na ang kasamaang huwag ilantad ang totoo kapalit ng suhol na pera, impluwensya, o parehas.

Hindi pwedeng magpadaig ang manunulat sa kung ano ang gusto ng maiimpluwensyang tao dahil nababaligtad ang sitwasyon: Tungkulin niya ang kanyang isinusulat at isinisulat niya ito para sa katotohanan na may kapakinabangan sa mga mambabasa. Wala siyang tungkulin para mapabango ang marurumi ang budhi; mangyari man iyon, sumasalamin lamang ang kanyang ulat sa totoo. Ang mahalaga: balanse siyang nag-uulat. May makabanggaan man siya, hindi nawawala ang espasyo sa lahat ng panig. Mangangalap na rin lang ako ng mga natatagong kabulukan, sa mga taong gobyerno man o sa pribadong sektor, hihingan (at madali ko namang nahingan) ng panig ang mga opisyal ng Marcopper, ng DENR-MGB, ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), UP Los Baños, pati mga ordinaryong mamamayang nakakasalamuha ko sa MIMAROPA at pabalik sa CALABARZON. Kung sadyang may pag-iwas sa pagkuha ng panig ang ilang personalidad sa aking ulat, nananatiling bukas ako/kami ng aking pahayagan sa pagpapaabot nila ng panig. Malinaw naming binabanggit sa ulat ito, pati na rin ang pagpupunyagi ko/namin para makuha ang lahat ng panig.

Minsan ding nagpatupad ng moratorium sa operasyon ng malalaking fish pen ang LLDA, pero bago ito, nailalantad natin ang ating obserbasyon sa paligid, pati resulta ng mga pag-aaral kagaya sa UPLB. Magkaroon man ng fish kill o red tide, ito’y bagay na inaasahan na, sa halip na ikabubulaga ng publiko.

Minsan, may diskarteng maganda sa pagsosolo pero kalimitan, mas mainam kung maramihan ang aksyon sa pangangalap ng ibabalita. Kaya pinahahalagahan natin ang mga press club saan mang dako ng bansa. Bagamat kampo ang tawag sa pinaglulugaran ng mga nakadestinong pulis at sundalo, sport o handa silang humanap ng makakatuwang na masisigasig na tagapagbigay ng kanilang impormasyon o edukasyon sa publiko na mismong matatagpuan at makakasalamuha sa loob ng kampo dahil na rin sa magandang pagsasamahan ng pulisya at media. To paraphrase a quote, never underestimate the power of words taken from the mouth of “miron” (bystander), especially if he or she has something (“meron”) to look forward to, follow up, or observe. Hindi nga amin ang Palasyo ng Malacañan, kampo, at iba pang tanggapang pampubliko, pero hindi rin sila ang nagmamay-ari ng mga ito. Ang lahat ng ganitong klaseng pagsasaayos (arrangement) ay para mabigyang-buhay ang malayang pamamahayag, kabilang ang karapatang mapayapang magtipon-tipon at i-petisyon ang pamahalaan upang maiparating, maiparinig, at matugunan ang mga pagdaing.

Madali kayang iproseso ang balita ng mga police-beat reporters sa mga mauunlad na bansa, kaysa sa mga papaunlad na bansa tulad natin? Sa tingin ko, pareho lang at wala ito sa laki o liit ng bansa. Nasa dedikasyon ng mga reporter at mga nakatataas sa kanila ang ikaiigi ng pagbabalita. Mas sensational nga ba ang mga ulat ng krimen sa bansa? Hindi totoo. Noon at ngayon, ang mga broadsheet na pinaglingkuran ko, sa pangkalahatan, ay mausisa sa detalye, matalas ang mata sa kailangang i-edit, at tapat sa tungkulin sa malayang pamamahayag. Hindi takot, respetado, patas. (Tapos na ang malagim na yugto sa kasaysayan na dinadakip, kinukulong, “pinarurusahan” ang mga matatapang na mamamahayag noong sumailalim sa Batas Militar ang bansa sa panunungkulan ni Marcos, bagama’t may pagbabagong-anyo naman ang mga sagabal sa malayang pamamahayag sa paglipas ng ilang dekada.) Kung may nakalusot mang factual error, may kasunod na pagwawasto at aksyon upang hindi na maulit ang pagkakamali ng tagapag-ulat, kolumnista, at editor.

Sa oras na mawalan ng pagpapahalaga ang mamamahayag sa kanyang mga tagasubaybay, unti-unti silang mawawala’t ibabaling ang tiwala sa panibagong media outlet hanggang hindi na mai-“benta” ang kanyang mga ulat, gayundin ang unti-unting pagkalugi sa hindi-pagsuporta ng mga advertiser. May biro nga na “nakukuryente” (nagkakamaling magtiwala sa hindi katiwa-tiwalang source) ang mamamahayag at nakagagawa ng masamang formula, ang AC-DC o “attack and collect, defend and collect.” Ito’y kawalang-hiyaan. Bago magbalita, may kapangyarihan sa pagtatanong at paghingi ng kasagutan (“to raise questions and demand answers”), hindi paghingi ng kung anupaman ang mamamahayag.

Sa pagkakaroon ng online version ng dyaryo, radyo’t telebisyon, mas madaling lumaganap ang kasiraan ng mamamahayag. Wala siyang masisisi kundi ang sarili. Sinira niya ang tiwala ng publiko, bakit sasabihing may sumisira sa kanya? Magbabago rin ang trato ng kanyang mga kasamahan at ito ang hudyat ng kanyang pagbagsak. Pero may magandang balita ako para sa mga bagong sibol na journalist: Bihirang bihira ang ganitong pagkawasak ng mga alagad ng pamamahayag, samantalang lamang na lamang naman ang bilang ng mga mahuhusay at tapat na mediamen and women sa Pilipinas – mga retirado, aktibo, o mga “nakapagsulat ng 30” (nangamatay o napatay habang may tawag ng tungkulin). 

Ngayon mag-eeleksyon, alin ang babaha: ang tiwala sa mabubuting mamamahayag o tiwala sa mabubuting pulitiko? Kung ano ang mabuti, doon tayo kumiling. Ipamulat sa mga tao ang mapagpalayang katotohanan. Kailangan lang maging maingat sa sinumpaang tungkulin dahil laganap ang pagkakampi-kampi ng masasamang tao at pananahimik ng mga may ginintuang kalooban. Kailangang maging aktibo, lalo ang mga bagong sibol na mamamahayag. Para sa Diyos, sa bayan, sa kalikasan, ang pagiging aktibo ng mga sariwang kaisipan ang magpapatuloy ng magandang nasimulan at makatatamasa ng mga gantimpalang nakasaad sa Saligang Batas o “blessings of independence and democracy under the rule of law and a regime of truth…” Tulungan. At makipagtulungan sa mga kabataan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.