₱10M halaga ng shabu nadiskubre sa chicken chain sa Quezon

0
173

CANDELARIA, Quezon. Nadiskubre ang ₱10 milyon halaga ng shabu sa loob ng rest room ng isang chicken chain kagabi sa bayang ito.

Ayon kay Colonel Ledon Monte, direktor ng Quezon Provincial Police Office, bandang 10:20 ng gabi nang nadiskubre ng isang miyembro ng service crew ng Mang Inasal ang isang pakete ng shabu sa loob ng basurahan sa restroom ng nabanggit na establisyemento.

Mabilis na tumugon ang mga pulis sa insidente at nakuha nila ang isang plastik na naglalaman ng 511.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,434,600 batay sa kasalukuyang presyo na P20,400 kada gramo.

Ayon sa mga salaysay ng pamunuan ng Mang Inasal bago ang pangyayari, isang grupo ng nagpapatrulyang mga pulis ang pumasok para mag tanghalian. Kasabay nito ay napansin nila na may mga kustomer na biglang nag aapurang lumabas noong pumasok ang mga pulis.

Ipinaliwanag ni Monte na maaaring natakot ang hindi nakilalang suspek ng iligal na droga kaya’t itinapon nito ang nasabing pakete ng shabu sa loob ng basurahan.

Patuloy ang kasalukuyang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang may-ari ng iligal na droga at mapanagot ito sa batas.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.