₱1.5M halaga ng shabu nasamsam, suspek arestado

0
182

LUCENA CITY, Quezon. Nakumpiska ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation na isinagawa noong umaga ng Oktubre 13 sa lungsod na itoang higit sa ₱1.5 milyon halaga ng pinaniniwalang shabu. Agad namukhaan at naaresto ang suspek na kinilala sa mga alyas na Eric at Fred, isang 43 anyos na residente ng Barangay Ilayang Iyam sa nabanggit na lungsod.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa detention facility ng Lucena City Police Station habang hinihintay ang pagsasagawa ng mga legal na hakbang laban dito.

Batay sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, tumanggap sila ng impormasyon hinggil sa iligal na aktibidad ng suspek, kaya’t isinailalim ito sa masusing monitoring. Sa mga pag-aaral at pagsusuri, nagpositibo ang mga awtoridad, kaya’t agad na inilatag ang buy-bust operation.

Nakuha mula sa suspek ang 75 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,530,000, kasama ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.

Nahaharap na ngayon ang suspek sa mga kasong kaugnay ng paglabag sa mga batas laban sa ilegal na droga.

Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang kanilang pagsisikap na labanan ang paglaganap ng iligal na droga sa nasabing lungsod, at ang operasyong ito ay malaking hakbang sa laban kontra sa mga kriminal na may kaugnayan sa droga sa Lucena City at mga karatig bayan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.