1 patay, 17 sugatan sa bus na nahulog sa Bangin sa Quezon

0
525

GUMACA, Quezon – Isa ang nasawi at 17 ang nasugatan matapos mahulog ang isang pampasaherong bus sa gilid ng kalsada sa Diversion Road, Barangay Villa Arcaya sa bayang ito sa Quezon noong Huwebes ng gabi.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, galing ang bus sa Bicol at biyaheng Maynila nang mawalan umano ng kontrol ang drayber habang binabagtas ang kurbadang bahagi ng highway. Bumagsak ang sasakyan sa malalim na bahagi ng bangin at naipit ang ilang pasahero sa loob.

Patuloy ang ikinasang rescue operations hanggang madaling araw ng Biyernes, kasama ang Gumaca Municipal Police Station, lokal na MDRRMO, at mga volunteer responders. Dinala sa iba’t ibang pagamutan sa bayan at mga kalapit na lugar ang mga nasugatan.

Inaalam pa ng awtoridad ang kabuuang bilang ng sakay at ang eksaktong dahilan ng aksidente. Tinitingnan ang posibilidad ng mabilis na takbo, madulas na kalsada, at pagod na drayber bilang posibleng mga dahilan.

Isinailalim na rin sa imbestigasyon ang kumpanya ng bus upang matukoy kung nasunod ang mga safety protocol at kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe.

Patuloy na pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga motorista na mag ingat lalo na sa mga kurbada at madidilim na bahagi ng Diversion Road na kilala sa mga naitalang aksidente sa nakaraan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.