10 Pinoy seafarers ligtas na nakauwi matapos ang atake sa Gulf of Aden

0
360

MANDALUYONG CITY – Ligtas na nakauwi sa bansa ang sampung Pilipinong seafarers na kabilang sa mga tripulante ng cargo vessel na inatake kamakailan sa Gulf of Aden, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Linggo.

Ayon sa DMW, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Sabado ng gabi ang mga marino, kung saan personal silang sinalubong ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac kasama ang ilang opisyal ng ahensya.

Ang barkong MV Minervagracht, na may bandilang Olandes, ay inatake sa karagatan, 120 nautical miles timog-silangan ng Aden, Yemen, noong Setyembre 29. Batay sa ulat ng United Kingdom Maritime Trade Operations (UKMTO), tinamaan ng isang hindi pa natutukoy na projectile ang barko at nagliyab, ayon sa Reuters.

Nasagip ng mga rescuers ang 19 na tripulante na pawang mga Russian, Ukrainian, Filipino, at Sri Lankan. Kinumpirma ng DMW na ligtas ang 12 Pilipinong crew, ngunit dalawa sa kanila ay nagtamo ng mga sugat.

Ayon sa DMW, naging posible ang kanilang pagbabalik sa tulong ng Philippine Embassy sa Ankara, Philippine Consulate General sa Istanbul, Migrant Workers Offices (MWOs), at ng licensed manning agency at lokal nitong ahente sa Istanbul.

“Lubos naming ipinatutupad ang utos ng Pangulo. Tutulungan namin kayo sa inyong ganap na panunumbalik, sa paghahanap muli ng trabaho, pagkakaroon ng kabuhayan, at pagsasanay,” pahayag ni Cacdac sa mga marinong Pilipino, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga seafarers sa oras ng pangangailangan.

“Pero ang mahalaga ay makasama muna ninyo ang inyong pamilya,” dagdag pa ng kalihim.

Tiniyak din ni Cacdac na makatatanggap ng sapat na tulong ang mga marino.
“Sisiguruhin namin ang maayos na delivery ng inyong mga benepisyo at karapatan. Bukod dito, nag-aalok din ang pamahalaan sa pamamagitan ng DMW ng mga serbisyong pangkalusugan, kabilang ang physical at mental health support at psychosocial counseling, upang madagdagan ang tulong na ibinibigay ng inyong licensed manning agency,” aniya.

Nagbigay rin ng financial assistance ang DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga seafarers. Bukod dito, nakatanggap din sila ng training vouchers mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at pansamantalang accommodation mula sa kanilang manning agency.

Kabilang sa mga sumalubong sa kanila sa paliparan sina OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, DMW Undersecretary Bernard Olalia, DFA Assistant Secretary for Migrant Workers Affairs Ezzedin Tago, DMW Assistant Secretaries Jerome Pampolina at Venecio Legazpi, DMW Deputy Administrator Jasmin Gapatan, at iba pang kinatawan ng DMW, OWWA, DFA, MIAA Medical Team, DSWD, at ng licensed manning agency.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.