10 preso tumakas sa Batangas, 8 naaresto

0
401

BATANGAS CITY. Nagsagawa ng malawakang hot pursuit operation ang mga awtoridad matapos makatakas ang 10 Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Batangas Provincial Rehabilitation Center sa Brgy. Malainin, Ibaan, kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng Batangas Police, bandang alas-9:30 ng umaga, ineeskortan ni PG1 Jhamil Ramirez Alcantara ang mga PDLs patungo sa public utility room nang tutukan siya ng icepick ng isa sa mga bilanggo. Inagaw nito ang kanyang baril at itinutok sa kanya, dahilan upang magsitakas ang iba pang preso patungong Brgy. Quilo, Ibaan.

Dakong alas-10:00 ng umaga, agad na naabisuhan ang Ibaan Municipal Police tungkol sa insidente.

Pagsapit ng ala-1:30 ng hapon, nakatanggap ang mga pulis ng impormasyon na limang preso ang sumakay sa isang ALPS bus patungong norte sa pamamagitan ng Star Tollway. Agad silang hinarang ng mga tauhan ng Sto. Tomas Component City Police Station sa pangunguna ni PLt. Col. Marlon C. Cabataña malapit sa boundary ng Tanauan at Sto. Tomas. Mapayapa namang sumuko ang lima, na kinilalang sina Armando Mangabat, Jr., Norman Antonio, Dennis Esmeralda, Michael Malasique, at Lester Bengoa.

Tatlo pang preso ang nahuli ng mga rumespondeng pulis sa Ibaan. Nakuha sa kanila ang isang 9mm Llama pistol na may 16 na bala at dalawang magazine, isang balisong, halagang P59,673 na cash, at ilang susi.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Sto. Tomas Police Station ang limang presong nahuli sa bus, habang ang tatlo pa ay nakakulong sa Ibaan Police Station bago muling ibalik sa Batangas Provincial Jail.

Nilinaw ni Lt. Col. Marlon Cabataña na walang nangyaring hostage-taking sa bus. “Wala pong nangyaring hostage taking dahil mapayapa naman pong sumuko sa mga pulis ang limang suspek na sakay ng bus,” aniya.

Patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon ng pulisya upang mahanap ang natitirang dalawang pugante.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.