MAYNILA. Ibinunyag ng Department of Justice (DOJ) na may sampung indibidwal na tinukoy ni alyas “Totoy” bilang mga utak sa pagdukot at pagpatay sa 34 na nawawalang sabungero.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, kinabibilangan ang mga ito ng mga taong nag-utos, dumukot, at pumatay sa mga biktima. Tumanggi muna si Remulla na pangalanan ang mga naturang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Totoy, na isa rin sa mga akusado sa krimen, kabilang umano sa mga sangkot sa krimen ay ilang miyembro ng pulisya. Ibinunyag rin niya na itinapon ang mga bangkay ng mga biktima sa Taal Lake matapos umanong mandaya ang mga ito sa sabungan.
Naniniwala si Remulla na posibleng higit pa sa 34 ang tunay na bilang ng mga biktima, at maaaring umabot ito sa mahigit 100.
Sinabi ni Remulla na bago pa man ang halalan ay nakausap na niya si Totoy na nagsilbing whistleblower sa kaso. Inihahanda na ngayon ang operasyon para hanapin ang mga labi ng mga biktima na diumano’y itinapon sa Taal Lake sa Batangas.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Totoy na pinatay ang mga sabungero sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang alambre. Hindi basta-basta itinapon ang mga katawan, kundi maingat na itinali, isinakay sa van, at iniabot sa isang grupong hanggang ngayon ay hindi pa pinapangalanan.
Bukod sa mga sabungero, lumalabas din na posibleng may mga drug lord na nakalibing sa parehong lugar, ayon pa sa whistleblower.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





