100% ng self learning modules, naihahatid na sa mga estudyante sa San Antonio Elementary School sa Bay, Laguna

0
676

E Trike, malaking tulong sa distribusyon at pangongolekta ng modules

Bay, Laguna.  Nagpaabot ng pasasalamat si Glicelle Gee-Jay A. Terrenal, Principal ng San Antonio Elementary School sa bayang ito sa lokal na pamahalaan dito sa pagbibigay sa nabanggit na elementary school ng isang E Trike na ginagamit sa paghahatid at pangongolekta nila ng mga modules at learning kits.

Sinabi ni Dr. Terrenal na ang E Trike na hiniling nila sa pamahalaan ng Bay, Laguna ay lubhang nakatutulong sa 100% na distribusyon at pangongolekta ng mga self learning module (SLM) sa mga mag aaral. “Sa tulong ng E Trike ay personal naming naihahatid sa mga mag aaral ang kanilang mga modules at learning kits,” ayon sa kanya.

Hindi lahat ng magulang sa bayang ito partikular ang mga naninirahan sa malalayong barangay ay may kapasidad na magsadya sa kabayanan upang kumuha ng SLM ng kanilang mga anak. “Mayroong mga magulang na hindi makakuha ng kanilang modules at learning kits para sa kanilang mga anak dahil sa kakulangan sa pamasahe papunta sa kabayanan. Ang iba naman ay may maliit na anak kung kaya hindi sila makaalis sa kanilang mga tahanan. Ngunit sa pamamagitan po ng E Trike ay naihahatid namin sa bawat mag aaral ang mga materyales na kailangan nila sa pag aaral,” ayon sa report ni Rhyzza Talastasin, isang Grade 2 teacher sa nabanggit na eskwelahan kay Master Teacher Ederlinda Zaballa.

“Malaking tulong ang E Trike sa aming mga guro. Lahat ng guro ay willing tumulong sa kanilang mga estudyante. Sa isang classroom, halimbawa, kapag may 3 o 5 eskwela na hindi makakuha ng kanilang learning kits, ang guro ay inaasahan na maghatid nito sa kanila at gastos na po ng teacher ang pamasahe. Pero ngayon po na may E Trike na ay hindi na magbubunot bulsa ang mga maestra para maghatid ng mga modules sa mga bata,” ayon naman sa kwento ng isa pang Grade 3 teacher na si Carmen Rom.

Kaugnay nito ay nagpapasalamat ang mga magulang ng mga estudyante sa San Antonio Elementary School sa anila ay episyente at personal na paghahatid ng mga modules. “Nagpapasalamat po ako at naihahatid ang learning kit sa amin kahit malayo kami. Malaking tipid po ito sa amin sa gastos sa pamasahe na siya pong dahilan kung bakit ‘di kami regular na makakuha ang learning kit ng aming anak,” ayon sa pahayag ni Marcelino Balon, ama ng isang mag aaral sa Grade 1.

Ang E Trike ay ipinagkaloob ng pamahalaang bayan ng Bay matapos hilingin ng mga guro sa pangunguna ni Terrenal sa pamamagitan ni San Antonio Barangay Chairman Efren Quintos kay Bay Mayor Jose Padrid na sinang ayunan ng lahat ng miyembro ng sangguniang bayan dito.

Ang episyenteng programang pang edukasyon ay tinawag ng mga guro ng San Antonio na “Tatlong Gulong Tungo sa Lumalagong Edukasyon, E Trike Solution on SLM Distribution.”

Bay, Laguna E Trike Solution on SLM distribution. Tatlong Gulong Tungo sa Lumalagong Edukasyon.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.