10K puno ang itinanim upang mabawasan ang pagbaha sa Oriental Mindoro

0
264

Calapan City, Oriental Mindoro. Itinanim sa tabi ng ilog ng anim na bayan at lungsod ng Calapan ang 10,000 kawayan at katutubong puno noong Biyernes bilang bahagi ng pagpapanumbalik ng ilog at upang maiwasan at mabawasan ang baha sa lalawigan.

Isinagawa ng provincial information office ang tree-planting activities bilang bahagi ng river restoration project na inilunsad noong Huwebes ng hapon ni Gov. Humerlito Dolor para sa mga bayan ng Bongabong, Bansud, Gloria, Pinamalayan, Naujan, Baco at ang Lungsod ng Calapan.

Sa isang livestreamed program sa Brgy. Tabon-Tabon sa bayan ng Baco, sinabi ni Dolor na isinagawa ang pagtatanim alas-4 ng hapon. “Upang mas malamig at ang mga halaman ay maaaring magpahinga magdamag”.

Napili ang kawayan dahil sa mahusay nitong pagsipsip ng tubig at mayamang ugat na maaaring makatulong upang maiwasan ang pagguho ng lupa sa tabi ng ilog. Kapag ganap na lumaki, maaari itong gamitin para sa construction, damit, pagkain at panggatong.

Nagtanim din ng mga katutubong puno tulad ng batino, banaybanay, lawaan at mulawin.

Ayon kay Dolor, ang aktibidad ay ang una sa mga nakahanay na river restoration projects na bahagi ng isang malaking hakbang na isinusulong ng kanyang administrasyon upang matugunan ang matagal nang problema ng pagbaha sa lalawigan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.