11-anyos na estudyante, kritikal matapos tamaan ng ligaw na bala na para sa tiyo

0
163

VICTORIA, Laguna. Agaw-buhay ngayon sa ospital ang isang 11 anyos na estudyanteng grade school matapos itong tamaan ng ligaw na bala na para sana sa kanyang tiyo sa isang insidente ng pamamaril sa Barangay Masapang, sa bayang ito nitong Miyerkules ng Hapon.

Kinilala ni Police Captain Myra Pasta, hepeng Victoria Municipal Police Station ang biktima na si Ryan Calapatia na residente ng nabanggit na barangay.

Ayon kay Pasta, agad na isinugod sa Philippine General Hospital ang bata dahil sa malubhang tama ng bala sa kanyang ulo na nangangailangan ng agarang operasyon.

Batay sa imbestigasyon ng Victoria Police, kasama ng bata ang kanyang tiyo na si Jhun Mark Calapatia, 32 anyos papunta sa sapa malapit sa taniman ng pakwan. Habang naglalakad ang magtiyuhin, nasalubong umano nila ang suspek na si Henry Carlo, na matagal nang kaalitan ni Jhun Mark, na nagresulta sa muling pagtatalo ng dalawa. Naawat sila ng ilang mga ka-barangay na nakasaksi sa pangyayari.

Pagkatapos ng mahigit kalahating oras, bumalik ang suspek sa lugar kung saan nangingisda ang magtiyuhin at binaril si Jhun Mark. Sa kasamaang palad, tinamaan sa ulo ni Ryan.

Agad na inaresto si Carlo at nahaharap siya ngayon sa mga kasong frustrated murder at violence against women and children.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.