MAYNILA — Umabot na sa 114 ang bilang ng mga nasawi matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes.
Ayon kay OCD deputy spokesperson Diego Mariano, karamihan sa mga nasawi ay mula sa lalawigan ng Cebu na nagtala ng 71 na patay. Kabilang din sa mga lugar na may naitalang pagkasawi ay Antique, Capiz, Iloilo, Bohol, Leyte, Southern Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental, at Agusan del Sur.
Bukod dito, iniulat ng OCD na 127 katao ang nawawala habang 82 ang nasugatan dahil sa bagyo.
Umalis si Tino sa Philippine Area of Responsibility (PAR) dakong alas-12:30 ng madaling-araw nitong Huwebes. Pagsapit ng alas-4 ng umaga, natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 265 kilometro hilaga-hilagang-kanluran ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan. Taglay nito ang lakas ng hanging 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 190 kph.
Ayon sa PAGASA, patuloy na kikilos si Tino patungong kanluran-hilagang-kanluran papunta sa gitnang bahagi ng Vietnam.
Inaasahang makakaranas ng pag-ulan na may kasamang malalakas na hangin ang Kalayaan Islands, habang magdadala naman ang buntot ng bagyo ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog sa Zamboanga Peninsula, Aurora, Quezon, natitirang bahagi ng Palawan, Basilan, at Tawi-Tawi.
Samantala, makararanas ng maulap na panahon na may pag-ulan ang Batanes dahil sa amihan, habang asahan naman sa Cagayan ang kalat-kalat na pag-ulan at mga pulos na pagkidlat-pagkulog dulot ng shear line.
Sa kabila ng paglabas ng bagyo sa bansa, tinatayang 1.4 milyong sambahayan sa Visayas ang nananatiling walang kuryente. Ayon sa Department of Energy (DOE), katumbas ito ng humigit-kumulang pitong milyong residente na apektado pa rin ng mga power interruption.
Batay sa datos ng National Electrification Administration (NEA) nitong Nobyembre 4, 2025, apektado ng bagyo ang 53 electric cooperative sa 10 rehiyon kabilang ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Kanlurang Visayas, Gitnang Visayas, Silangang Visayas, Zamboanga Peninsula, Hilagang Mindanao, Caraga, at Negros Island.
Sa bilang na ito, 17 electric cooperative na ang balik sa normal na operasyon, 24 ang may bahagyang aberya, at siyam pa ang lubos na naparalisa. Tatlong cooperative naman ang hindi pa nakapagsusumite ng ulat.
Samantala, iniulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hanggang alas singko ng hapon nitong Nobyembre 5, 2025, may apat na 69-kilovolt line, isang 138-kV line, at isang 230-kV line na nananatiling hindi pa naibabalik sa serbisyo.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





