12 private schools iniimbestigahan sa diumano ay ‘ghost students’ sa voucher program

0
61

MAYNILA. Kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang 12 pribadong paaralan kaugnay ng umano’y paglista ng ‘ghost students’ bilang benepisyaryo ng Senior High School Voucher Program ng pamahalaan.

Ayon sa DepEd, hindi mahagilap ang kinaroroonan ng ilang estudyanteng nakatala sa programa, na nagdulot ng pangamba hinggil sa posibleng maling paggamit ng pondo ng gobyerno.

Ang Senior High School Voucher Program ay isang programa ng gobyerno na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga senior high school students sa mga pribadong paaralan. Sa ilalim nito, ang mga incoming Grade 11 students na nagtapos sa pampublikong paaralan ay awtomatikong nakatatanggap ng voucher na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500. Samantala, ang mga estudyanteng mula sa pribadong paaralan na hindi grantee ng Education Service Contracting Program ng DepEd ay maaaring mag-apply para sa nasabing benepisyo.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, seryoso ang kanilang tanggapan sa mga alegasyon at sisiguraduhing may pananagutan ang sinumang mapatutunayang sangkot sa anomalya.

“We take these allegations seriously. Any form of misuse of public funds will not be tolerated. This investigation is a necessary step as we pursue the truth and hold accountable those responsible,” ani Angara.

Dagdag pa niya, “In line with this, DepEd has initiated recourse actions, including preparation for the termination of the schools’ accreditation and collating pieces of evidence against responsible individuals.”

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng DepEd ang mga legal na hakbang upang papanagutin ang mga mapatutunayang sangkot sa anomalya ng ‘ghost students’ sa voucher program.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.