13-anyos na estudyante binaril sa ulo habang papasok sa paaralan

0
449

AGONCILLO, Batangas. Binaril sa ulo at agad namatay ang isang 13-anyos na dalagitang estudyante habang papasok sa paaralan sa isang insidenteng naganap sa Brgy. Banyaga, Agoncillo, Batangas kamakalawa ng umaga.

Ang biktima na kinilalang si Jenny Balacuit, isang Grade 8 student ng Banyaga National High School at residente ng nasabing barangay, ay hindi na naisalba pa matapos tamaan ng bala sa ulo.

Hindi inakala ng mga tao na nasa pinangyarihan ng krimen na babarilin ng suspek ang bata dahil akala nila ay ­naghahatid lang din ito ng estudyante ngunit bigla na lamang itong bumunot ng 9mm at pinaputukan ng isang beses sa ulo ang dalagita.

Ayon kay Police Major Broderick Noprada, Officer-in-Charge ng Agoncillo Municipal Police Station, alas-6:00 ng umaga nang mangyari ang krimen. “Sa hindi malamang dahilan ay binaril niya ‘yung bata. ‘Yun nga ang akala kasi nila is parang naghahatid lang ng estudyante,” pahayag ni Noprada.

Nagtangka pa ang mga saksi na pigilan ang suspek, ngunit agad itong tumakas matapos ang pamamaril. Ayon sa ulat, sinusuyod na ng kapulisan ang CCTV footage sa lugar at magsasagawa ng backtracking investigation para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.

Sa panig ng pamilya ng biktima, wala umanong alam na nakaaway si Jenny at wala silang naikuwento na maaaring maging motibo sa krimen.

Nakikiisa ang mga awtoridad sa panawagan ng hustisya para kay Jenny habang patuloy ang imbestigasyon upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng batang estudyante.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.