131 Pinoy, umaasang makakatawid ng Egypt mula Gaza

0
204

Naghihintay na makatawid ang 131 overseas Fiipinos patungong Egypt mula sa Gaza upang mabigyan ng kaukulang tulong ng gobyerno ng Pilipinas at makabalik sa bansa.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, hanggang sa kasalukuyan, 28 Pilipino na ang nakauwi mula Gaza noong Oktubre 14, at may nakatakdang 18 pang uuwi ngayong Miyerkules.

Nilinaw ni Ignacio na ang pag-uwi ng mga manggagawang Pilipino ay hindi konektado sa kaguluhan sa Israel. Marami sa kanila ang nakatakdang umuwi na talaga ng Pilipinas bago pa sumiklab ang mga gulo.

Simula noong Oktubre 10, ang gobyerno ay nagbibigay ng tulong sa mga Pilipino sa Israel. Sa pamamagitan ng OWWA, nagbibigay sila ng P50,000 na financial assistance at karagdagang P50,000 mula sa Department of Migrant Workers (DMW). Ang halagang ito ay mas mataas kaysa sa karaniwang tulong dahil sa mas mataas na sahod ng mga Pilipinong manggagawa sa Israel.

Ipinaliwanag ni Ignacio na magkakaroon ng sertipikasyon ang mga nagbabalik na overseas Filipino na ipapakita nila sa OWWA upang makuha ang cash assistance. Hindi ito maaaring gawin sa airport upang maiwasan ang pagdadala ng malalaking halaga ng pera sa labas ng bansa.

Habang isinusulat ang balitang ito, ang Rafah border crossing patungong Egypt mula sa Gaza Strip ay sarado pa. Umaasa ang libo libong passport holders na makakatawid sila sa Egypt sa mga susunod na araw.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.