15 anyos, binaril sa ulo sa Batangas

0
532

Tanauan City, Batangas. Binawian ng buhay ang isang 15 anyos na batang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nakatambay sa gilid ng daan sa Zone 1, Brgy. Natatas, Tanauan City, Batangas dakong 6:30 kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Lt. Col. John Rellian, chief of police ng Tanauan City Police Station ang biktima na si Edcel Perez, residente ng naturang barangay.

Batay sa imbestigasyon, nakatambay sa kalye malapit sa kanilang bahay ang biktima ng biglang nilapitan ng hindi pa nakikilalang suspek at binaril ito sa ulo.

Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril at isinugod naman sa CP Reyes Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang basyo ng kalibre 45 na baril.

Inaalam pa ang motibo sa pamamaril, ayon kay Rellian dahil wala naman itong natatanggap na anumang banta mula sa kaaway, ayon sa pamilya ng biktima.

Kasama sa kanilang tinitingnan ang anggulo ng love triangle. Diumano ay maraming nobya ang biktima at tinitingnan kung may kinalaman ito sa krimen.

Sa ngayon ay tinutugis na ang suspek sa inilunsad na follow-up operations. Nire-review na ang kuha ng CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan sa suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.