RODRIGUEZ, Rizal. Isang 15 anyos na estudyante ang nasawi matapos barilin ng isang pulis na sumita sa kanyang kuya at nagtangkang bumaril dito sa harap ng kanilang tahanan sa bayang ito kamakailan.
Humantong sa pagkamatay ni John Francis Ompad ang tama ng bala sa tiyan, isang Grade 9 student at residente ng Southville 8B, Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Nakakulong na ang mga pangunahing suspek na kinilalang sina PCPL Arnulfo Sabillo, 37 anyos, na naka-assign sa Community Precinct (Compac) 5 ng Rodriguez Municipal Police Station, at si Jeffrey Baguio, 27 anyos na sibilyan mula sa Pasig City.
Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, ang trahedya ay naganap pasado alas-12:00 ng madaling araw nitong Linggo, Agosto 20, sa harap mismo ng tahanan ng biktima.
Pauwi habang sakay ng kanyang motorsiklo, tinutukan ng dalawang lalaking naka-civilian attire si John Ace Ompad, 19 anyos, ang kuya ni John Francis. Ayon sa mga ulat, diumano ay mga lasing at sakay rin ng motorsiklo ang dalawang lalaki.
Dahil sa takot na baka siya holdapin, binilisan ng kuya ang takbo ng kanyang motorsiklo papunta sa kanilang bahay.
Gayunpaman, hinabol pa rin ng dalawang suspek. Pagdating malapit sa kanilang tahanan, napansin ni John Ace na ang mga suspek ay may hawak na baril at akmang papuputukan siya kaya ang kanyang helmet at itinapon ito sa direksyon ng mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakabangga.
Sa galit umano sa nangyari, pinutukan si John Ace ng pulis, ngunit sa kasamaang palad ay si John Francis ang tinamaan na noon ay papalabas ng kanilang bahay.
Agad nakatakas ang mga suspek pagkatapos ng insidente. Isinugod ang biktima sa ospital ngunit namatay rin ito.
Agad namang nahuli ang mga suspek at ngayon ay nahaharap sila sa mga kasong homicide para sa pagkamatay ni Ompad, at attempted homicide para sa tangkang pagpatay kay John Ace.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.