16-anyos na dalagita, ginahasa at pinatay sa park sa Batangas

0
901

TANAUAN CITY, Batangas. Hinalay at pinatay ang isang 16-anyos na dalagitang at natagpuang duguan at wala nang buhay sa madamong bahagi ng isang parke sa lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Tanauan Police, ang biktimang itinago sa pangalang Ann, isang helper sa kantina, ay residente ng Poblacion Malvar, Batangas City.

Ayon sa imbestigasyon, nag-aalala ang ina ng biktima nang hindi ito nakauwi at hindi nagpapadala ng mensahe o text, bagay na hindi karaniwang ginagawa ng dalagita. Dahil dito, nagpasya ang ina na i-track ang cellphone ng anak at nadiskubre niyang nasa Soledad Park sa Brgy. Darasa, Tanauan City ito.

Agad na humingi ng tulong sa mga barangay officials ang ina, at nang puntahan nila ang lugar, natagpuan nila ang duguang bangkay ng biktima na wala nang saplot pang-ibaba.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang salarin sa karumal-dumal na krimen.

“Patuloy kaming nagsasagawa ng masusing imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang biktima at mahuli ang may sala,” pahayag ng Tanauan Police.

Ang insidenteng ito ay nagdulot ng labis na takot at pangamba sa komunidad. Patuloy na hinihikayat ang sinumang may impormasyon ukol sa insidente na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mapabilis ang pagresolba ng kaso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.