168 pinuno ng GOCC, inatasang maghain ng courtesy resignation

0
61

MAYNILA. Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 168 pinuno ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na magsumite ng kanilang courtesy resignations, bilang bahagi ng patuloy na reorganisasyon sa pamahalaan.

Sa isang abisong may petsang Mayo 28, 2025, ipinag-utos ng Governance Commission for GOCCs (GCG) sa mga non ex-officio chairpersons at chief executive officers (CEOs) ng mga state-run firms na ihain ang kanilang resignations sa Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES).

Samantala, ang mga appointive directors, trustees, at board members ng mga GOCC ay dapat magsumite ng kanilang resignations diretso sa GCG, subalit ang kanilang resignation letters ay kailangang naka-address din sa Pangulo upang mapabilis ang proseso.

Ayon sa GCG, “The affected officers are reminded that until any action is taken by the Office of the President on such courtesy resignation, they shall continue to report for work and perform their usual duties and functions, subject to any further directives that the Office of the President may deem proper.”

Matatandaang kamakailan ay nanawagan na rin si Pangulong Marcos sa lahat ng miyembro ng kanyang Gabinete na maghain ng courtesy resignations matapos ang midterm elections, bilang bahagi ng tinatawag niyang “recalibration” sa direksyon ng pamahalaan.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang hakbang na ito ay nagsisilbing malinaw na paglipat mula sa unang yugto ng administrasyon patungo sa isang mas matatag at resulta-oriented na pamahalaan.

“Bagama’t marami ang naglingkod nang may dedikasyon at propesyonalismo, ang kasalukuyang pangangailangan ng bansa ay nangangailangan ng bagong alignment, mas mabilis na aksyon, at mindset na inuuna ang resulta,” ayon kay Pangulong Marcos.

Hindi naman tinanggap ni Pangulong Marcos ang resignation ni Executive Secretary Lucas Bersamin, gayundin ng kanyang economic team. Ayon kay Bersamin, tinawagan siya ng Pangulo at sinabing buo ang tiwala at suporta nito sa kanyang paninilbihan.

Kabilang din sa mananatili sa puwesto ay sina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque, Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto, Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Frederick Go.

Samantala, tinanggal sa puwesto si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Loyzaga-Yulo, na papalitan ni Department of Energy (DOE) Secretary Rafael Lotilla.

Paliwanag ni Bersamin, wala namang isyu ng katiwalian laban kay Loyzaga, ngunit may natanggap ang Pangulo na mga reklamo kaugnay ng umano’y madalas nitong paglalakbay sa ibang bansa kaya ito ay “pinagpahinga.”

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.