MAYNILA. Matapos ang mahigit isang taong pagkakabihag, makakauwi na sa bansa ang 17 Filipino seafarers na dinukot ng Houthi rebels sa Red Sea noong Nobyembre 2023.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ligtas na ngayon ang mga Filipino seafarers at kasama ang iba pang crew members ng MV Galaxy Leader na pinalaya rin ng mga rebelde.
“Nasa pangangalaga na ng Philippine Embassy sa Muscat, Oman ang ating mga kababayan. Inaasikaso na ang kanilang agarang pagbabalik sa Pilipinas upang makapiling ang kanilang mga pamilya,” pahayag ng Pangulo.
Pinuri ni Pangulong Marcos si Sultan Haitham Bin Tarik at ang gobyerno ng Oman sa kanilang matagumpay na mediation efforts na nagbigay-daan sa kalayaan ng mga bihag.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor na walang sawang nakipagtulungan sa mga foreign governments at entities upang maibalik ang mga Pilipino sa kanilang pamilya.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng papel ng mga Filipino seafarers sa pandaigdigang maritime industry. Ani niya, ang kanilang tapang at dedikasyon ang dahilan kung bakit pinirmahan niya ang Magna Carta of Filipino Seafarers, na naglalayong tiyakin ang proteksyon sa kanilang mga karapatan, kapakanan, at full employment.
Ang paglaya ng mga seafarers ay isa na namang patunay ng kahalagahan ng international cooperation para sa kapakanan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.