17 units ng laptop, pinitik sa 2 magkahiwalay na nakawan

0
307

Sta. Rosa City, Laguna. Pinasok ng mga magnanakaw ang isang eskwelahan at isang computer shop ng hindi pa natutukoy na mga suspek sa dalawang magkahiwalay na insidente ng nakawan sa lungsod na ito kamakalawa.

Nakulimbat sa dalawang insidente ang 17 units ng iba’t ibang brand ng laptop.

Ayon sa ulat ng Santa Rosa City Police Station, inireport na nawalan ng 10 laptop ang Saint Paul at Mark School sa Block 1, Lot 3, Panorama Ville sa Brgy. Dita.

Lumabas sa imbestigasyon na nakapasok ang mga magnanakaw sa pamamagitan ng pagsira sa mga window bar sa likod ng Technology and Livelihood Education (TLE) room.

Tinatayang nasa P279,500 ang kabuuang halaga ng mga ninakaw na Acer laptops.

Sa nabanggit ding barangay, ang AJPCMIX Computer Parts Trading na pag-aari ni Alvie Joy Sudetran ay nanakawan din ng pitong iba’t ibang brand ng laptop na nagkakahalaga ng P71,600.

Natuklasan ang nakawan noong Huwebes ng umaga matapos makita na sinira ng mga suspek ang mga padlock ng gate at pwersahang pumasok sa pinto.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operations at imbestigasyon ang pulisya at sinusuri na ngayon ang CCTV footage na naka-install sa loob ng mga ninakawang lugar  upang kilalanin ang mga suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.