18 patay, 24 nawawala sa lumubog na RoRo Vessel sa Basilan

0
976

MAYNILA — Umakyat na sa 18 ang kumpirmadong nasawi habang 24 pa ang iniulat na nawawala matapos lumubog ang isang roll-on/roll-off (RoRo) vessel sa dagat na sakop ng Basilan nitong Lunes ng madaling araw, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa paunang ulat ng PCG, 317 pasahero at tripulante ang nasagip mula sa M/V Trisha Kerstin 3, pag-aari ng Aleson Shipping Lines, na bumiyahe mula sa Port of Zamboanga City patungong Jolo, Sulu.

Batay sa awtoridad, naganap ang insidente dakong alas-1:50 ng madaling araw, humigit-kumulang 2.75 nautical miles o limang kilometro sa hilagang-silangan ng Baluk-Baluk Island sa Basilan. Agad namang naglunsad ng malawakang search and rescue operation ang Coast Guard, katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang rescue units, upang hanapin ang mga nawawala at magbigay ng tulong sa mga nasagip.

Ayon sa PCG, hindi overloaded ang barko nang umalis ito sa Zamboanga City dakong alas-9:20 ng gabi noong Linggo. May lulan umano itong 332 pasahero at 27 crew members, na pasok sa itinakdang authorized maximum capacity.

Lumitaw rin sa mga salaysay ng ilang survivor na kalmado ang kondisyon ng dagat at walang malalakas na alon sa oras na naganap ang trahedya, dahilan upang isaalang-alang ng mga awtoridad ang iba pang posibleng sanhi ng pagkalubog.

Samantala, nagbukas na ang Coast Guard Station Western Sulu ng isang information desk upang magsilbing sentrong tanggapan para sa beripikadong updates, koordinasyon, at pagtugon sa mga katanungan ng mga pamilya ng biktima at iba pang concerned parties.

“The help desk serves as a centralized point for verified updates, coordination, and inquiries related to the incident,” ayon sa PCG.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.