187 dayuhan at Pinoy, huli sa POGO raid sa Pampanga

0
583

MAYNILA. Umabot sa 187 empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), karamihan ay mga dayuhan, ang dinakip sa isang raid na isinagawa ng awtoridad kamakalawa ng gabi sa Angeles City, Pampanga.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG), at PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) ang POGO hub na “Lucky South 99” sa Grand Palazzo Royale, Friendship Highway, Angeles City. Ito ay matapos makatanggap ng sumbong na ginagamit ang nasabing lugar para sa human trafficking.

Ayon kay PAOCC Spokesperson Winston Casio, sa 187 inaresto, 29 ay mga Pinoy, 126 ang Chinese nationals, 23 ang Vietnamese, apat ang Malaysian nationals, apat ang Myanmar nationals, at isang Korean national.

Sinabi rin ni Casio na bukod sa mga nahuling empleyado, nasagip sa lugar ang isang Chinese na pinaniniwalaang biktima ng kidnapping. Bukod dito, may nakita ring kuwarto na hinihinalang “torture area” ng mga lalaking dayuhan.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng mga nasa likod ng operasyon ng POGO. Kasalukuyang sumasailalim sa immigration biometrics ang mga dinakip upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.