2 ahas nasagip sa Tayabas matapos ang thermal emergence

0
323

TAYABAS CITY. Naitala ang paglitaw ng dalawang ahas sa iba’t ibang lugar sa lungsod na ito dahil sa matinding init ng panahon o thermal emergence, subalit agad namang nasagip at nai-turnover sa Tayabas City Environment and Natural Resources Office (CENRO) kamakalawa.

Una sa listahan ang isang Reticulated Python o Malayopython reticulatus na nadiskubre ni Homer Jaspeo, isang residente ng Sitio 3, Brgy. Baguio, nang ito ay makita sa kanilang tahanan noong Abril 26.

Dahil sa kahabaan nito, dinala ang bloated na ahas sa City Veterinary Office upang masusing obserbahan at mabigyan ng angkop na lunas bago ito ibalik sa kanyang likas na tirahan.

Noong Abril 28, isang makamandag na Philippine Cobra o Naja Philippineensis naman ang na-report ng isang concerned citizen matapos itong makita sa Sitio Sampaga, Brgy. Malaoa.

Sa gitna ng pangyayaring ito, patuloy ang paalala ng ahensya hinggil sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 na nagbabawal sa pangangaso, pangongolekta, at pagmamay-ari ng mga uri ng wildlife o “buhay-ilang.”

Hinihikayat din ng CENRO ang publiko na ipagbigay-alam sa kanila ang anumang uri ng pang-aabuso o iligal na gawain na maaaring makasira sa kalikasan at likas na yaman ng bansa.

Ayon pa sa opisyal ng Tayabas CENRO, ang mainit na panahon ang dahilan kung bakit lumalabas at naghahanap ng malamig na lugar ang mga ahas, na katulad din ng mga tao.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo