2 bangkay natagpuan sa hinihinalang pinaglibingan ng nawawalang beauty queen at Israeli boyfriend

0
195

TARLAC. Natuklasan ng mga awtoridad ang hinihinalang mga labi ng nawawalang beauty queen na si Geneva Lopez at kanyang Israeli fiancé na si Yitchak Cohen, na dalawang linggo nang nawawala.

Nadiskubre ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang naagnas na mga bangkay ng isang lalaki at isang babae sa liblib na quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac nitong Sabado ng umaga. Ang pagkakatuklas ay kasunod ng pagbibigay ng impormasyon ng isang pangunahing saksi sa kaso.

Hinihintay pa ng mga kaanak ng dalawa ang pormal na pagkakakilanlan ng mga bangkay. Ayon sa mga awtoridad, magsasagawa ng masusing imbestigasyon kabilang ang autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay at DNA testing upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga labi.

Huling nakita sina Lopez at Cohen noong Hunyo 21 habang sakay ng isang SUV patungong Tarlac para sa isang transaksyon sa lupain sa lalawigan. Ang kanilang SUV ay natagpuan naman na sinunog at inabandona sa Barangay Cristo Rey, Capas noong Hunyo 22.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), may pitong persons of interest sa kaso, kabilang ang isang middleman o ahente ng property na bibilhin umano ng magkasintahan.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nina Lopez at Cohen.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.