Tanza, Cavite. Nasawi ang isang bata at sugatan ang isa pa matapos tamaan ng kidlat habang naliligo sa isang beach sa bayang ito kahapon.
Kinilala ni Don Simon, rescuer ng Tanza Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Office ang nasawi na si John Roldan Ignale, 10 anyos na residente ng Naic, Cavite at isang 11 anyos na pinsan nito na kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang bahay.
Nangyari ang trahedya sa isang beach resort sa Barangay Capipisa sa Tanza.
Ayon sa ulat ni Simon, pabalik na sa cottage ang mga bata ng tamaan ng kidlat.
“Biglang kumulog, nabigla na lang kami kasi nag kakasayahan kami, nagbi-videoke kami. Biglang may pumutok nang malakas. Nagulat kami, akala namin kung anong putok ang narinig namin. Yung pagtingin namin sa labas, may nakabulagta nang dalawang bata,” ayon sa kwento ni Joaquin Loera, kaanak ng nakaligtas na biktima.
Ipinayo ni Simon na sa mga katulad na pagkakataon ay makabubuti ng sumilong o pumasok sa bahay ang mga tao kapag may mga abiso ng thunderstorm upang makaiwas sa sakuna na sanhi ng tama ng kidlat.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.