2 drug informant tinangkang i-salvage ng mga operatiba

0
305

Gen. Mariano Alvarez, Cavite. Inireport sa GMA Municipal Police Station (MPS) ang isang kaso ng attempted salvage sangkot ang apat na hindi pa nakikilalang diumano ay mga operatiba ng Biñan City Police Station (CPS).

Ayon sa salaysay ng mga biktima, nagsadya sila sa Biñan CPS sa Brgy. Zapote at inireport ang isang drug pusher ang diumano ay nago-operate sa Brgy. Wawa sa Biñan, Laguna. Diumano ay pinayuhan silang magtungo sa Community Police Assistance Centers (COMPAC) sa Brgy. Tubigan bandang 5:00 pm at doon ay naghintay sila hanggang alas siye ng gabi ngunit walang pulis na dumating. Nagpasya silang bumalik sa Biñan CPS kung saan sila ay ipinasa sa apat na inirereklamong operatiba.

Sinamahan ng unang biktima ang apat na pulis sa Brgy. Wawa upang magsagawa ng surveillance ngunit nabigo syang tukuyin ang bahay ng diumano ay drug suspect na diumano ay ikinagalit ng mga operatiba. Diumano ay sinuntok siya ng paulit ulit at dinala sa COMPAC kung saan siya ay pinosasan, piniringan at ginulpi. 

Sinundo naman ang ikalawang biktima at dinala din sa COMPAC. Kasunod nito ay inutusan silang umangkas sa magkabukod na motorsiklo na minaneho ng mga operatiba at pumunta sa isang lugar kung saan sila inutusang bumaba. Pagkababa ay binaril ng dalawang beses ng isa sa mga operatiba ang unang biktima gamit ang isang revolver ngunit hindi ito tinamaan. Sa aktong ito, agad na tumakbo ang pangalawang biktima at tumakas patungo sa residential place. Matapos ang insidente, umalis ang mga operatiba patungo sa hindi malamang direksyon.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Laguna Provincial Police Office hinggil sa isinampang reklamo.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.