2 Dumagat, patay; 8 sugatan sa Jeep na nahulog sa bangin

0
298

INFANTA, Quezon. Dalawang katutubong Dumagat ang namatay, at walong iba pa ang nasugatan, kasama ang tatlong menor-de-edad at isang Canadian pastor, matapos mahulog sa bangin ang kanilang owner type jeep, na minamaneho ng isang American pastor sa Marilaque Highway, Brgy. Magsaysay, kamakalawa ng hapon.

Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Adelina America at Adrian Mercado. Sila ay idineklarang dead-on-arrival (DOA) sa Claro M. Recto District Hospital dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Samantalang ginagamot naman sa nasabing ospital si Pastor Loren Paul Miller, 45 anyos na American national, kasama ang iba pang sugatan mula sa tribong Indigenous Person of Dumagat. Kabilang sa mga sugatan sina Pablo Dela Cruz America, 35, ng Brgy. Minahan Norte, Infanta; Analiza Mercado Adornado, Nelvin Paul Maldaner, 48, isang Canadian pastor, at Linda Capatasan, 39.

Kasama rin sa naaksidente ang tatlong menor-de-edad na sina Justine Pujeda America, 3-anyos; Jimuel America Cruz, 9 anyos; at Grace Capatasan, 13-anyos.

Ayon kay Infanta Police Municipal Station chief, Police Major Fernando Credo, nangyari ang aksidente alas-3:30 ng hapon habang sakay ang mga biktima sa navy blue na owner type jeep (DNY-659) na minamaneho ni Pastor Loren. Galing sila sa Sitio Kakawayan, Brgy. Magsaysay, at patungo sa Barangay San Marcelino, bayan ng General Nakar, upang dumalo sa isang okasyon nang biglang mawalan ng preno ang sasakyan, na nagresulta sa pagkahulog nito sa bangin.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.