2 estudyante, inatake ng saksak sa harap ng kanilang paaralan

0
362

LAUREL, Batangas. Dalawang estudyante ang nagtamo ng mga sugat matapos ang isang insidente ng pananaksak na naganap sa harap ng kanilang paaralan sa bayang ito noong Biyernes ng hapon.

Ang dalawang biktima, na pansamantalang itinatago ang mga pangalan habang nagsasagawa ng imbestigasyon ay parehong nag-aaral sa hindi pinangalanan na paaralan ay edad 17 at 14.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office CALABARZON, naganap ang insidente sa Brgy. Poblacion 1 ng nasabing bayan, bandang 5:25 ng hapon noong Biyernes.

Nangyari ang insidente habang nakaupo ang dalawang biktima sa harap ng kanilang paaralan ng biglang dumating ang suspek na kilalang si Ronel de Millo, 30-anyos at nagsimulang magtalo ang tatlo.

Sa gitna ng pagtatalo, bigla bumunot ng patalim si Millo at inundayan ng saksak ang mga biktima saka mabilis na tumakas.

Ang isa sa mga biktima ay tinamaan sa dibdib habang ang isa naman ay tinamaan sa ulo. Sila ay isinugod sa magkabukod na ospital sa Talisay at Batangas City at kasalukuyan pang ginagamot.

Kasalukuyang tinutugis ng mga tauhan ng Talisay Municipal Police Station ang tumakas na suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.