2 holdaper arestado sa Comelec checkpoint sa Laguna

0
558

Cavinti, Laguna. Arestado ang dalawang suspek sa panghoholdap sa isang restaurant sa Luisiana sa ikinasang hot pursuit operation ng Cavinti Municipal Police Station (MPS) kamakalawa.

Kinilala ni Police Colonel Cecilio R Ison Jr ang mga suspek na sina Ronilo Espinosa, tricycle driver, at residente ng Brgy. 28 Kawal st. Dagat- dagatan Caloocan City; at Arnold Ilagan, promodiser, at residente ng Brgy. Uno San Juan Batangas.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Luisiana MPS,lumapit ang mga suspek sa kahera ng Chito’s Restaurant sa Brgy. San Isidro Luisiana, Laguna, naglabas ng baril at nagdeklara ng hold-up bandang 6:47 ng hapon noong Mayo 23, 2022. Matapos makuha ang mga pera ay agad na umalis ang mga suspek lulan ng motorsiklo.

Agad na inalerto ng Laguna PPO ang mga police stations sa karatig bayan ng Luisiana upang magsagawa ng hot pursuit operation matapos matanggap ang sumbong.

Sa ilalim ng ng ikinasang hot pursuit operation ay inalarma ng Cavinti MPS ang mga COMELEC checkpoints nito kung saan ay ipinasa ang mga deskripsyon ng mga suspek na nakasuot ng itim na jacket, may suot na helmet at sakay sa Motorstar na motorsiklo na walang plate number..

Sa COMELEC checkpoint ng Cavinti MPS sa Brgy. Duhat, Cavinti, Laguna sa ganap na 7:15 ng gabi sa araw ding iyon ay dumaan ang dalawang lalaki na tumutugma sa ibinigay na paglalarawan. 

Nadakip ang mga suspek na holdaper at nakumpiska sa kanila ang isang kalibre 45 na may SN:9377 at mga bala kasama ng PhP 5,200.00 na halaga ng pera na hinihinalang ninakaw nila.

Ang mga arestadong suspek ay kasalukuyang nasa custodial facility ng  na ng Luisiana MPS habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.