2 holdaper, nakorner ng Biñan CPS

0
323

Biñan City, Laguna. Arestado ang dalawang suspek sa pang hohold-up sa isang secretary ng isang negosyante sa lungsod na ito habang ang isa pang suspek tinutugis pa ng mga miyembro ng Biñan City Police Station (CPS)

Kinilala ni Police Colonel Cecilio R. Ison Jr., provincial director ng Laguna Provincial Police Office  ang mga naaresto na sina Amen Umpar y Ara, male, 27 anyos na construction worker at residente ng Brgy. Caingin, Sta. Rosa City, Laguna, Renato Aquino y Asidillo, male, 50 anyos na driver at residente ng Brgy. Langkiwa, Biñan City, Laguna at Ramon C. Ozaeta, na residente ng Brgy. Langkiwa, Biñan City, Laguna at pinaghahanap ng pulisya ngayon.

Ayon sa ulat ng Biñan CPS, naganap ang pang hohold-up kahapon Hulyo 4, 2022 bandang 9:30 ng umaga habang sakay ng Mitsubishi Montero Sport ang biktima na si Jenelyn Perilla Y Veloso, secretary ng isang negosyante na may ari ng sasakyan na minamaneho naman ni Renato Aquino y Asidillo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Biñan CPS, habang nasa kalagitnaan ng trapiko, biglang ibinaba ni Renato ang automatic na slide window sa passenger side. Kasunod nito ay lumapit ang mga suspek at tinutukan ni Umpar ng kutsilyo sa leeg ang sekretarya at kinulimbat ang perang dala nito habang si Ozaeta ay nagsilbing lookout.

Matapos ang hold-up, bumaba ang biktima at hinabol ang mga suspect at humingi ng tulong sa mga miyembro ng Biñan City Marshall na kasalukuyang nasa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

Nakorner ng mga pulis si Umpar habang si Ramon Ozaeta naman ay nakatakas. 

Sa ilalim ng interosgasyon, ikinanta ni Umpar habang nasa kustodiya ng Biñan City Marshall, na kasabwat nila ang driver na agad ding inaresto.

Nabawi sa mga suspek ang perang tinangay na nagkakahalaga ng P300,000.

Samantala, pinuri ni Police Brigadier General Antonio C Yarra, Regional Director, Police Regional Office CALABARZON, ang mga tauhan ng Biñan CPS sa matagumpay na pagkakahuli sa mga nabanggit na holdaper.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.