2 karnaper arestado sa Rizal at Laguna

0
126

CALAMBA CITY, Laguna. Arestado dalawang kilalang karnaper sa magkakahiwalay na anti-carnapping operations sa lalawigan ng Rizal at Laguna sa ilalim ng mga operasyon ng Highway Patrol Group-Calabarzon.

Sa pahayag ni Col. Rommel Estolano, director ng Highway Patrol Group-Calabarzon, kinilala ang mga inarestong suspek na sina John Carlo Orfalas, 31 anyos na residente ng Barangay Darangan, Binangonan, Rizal; at Villarante Jerimy, kilala rin sa pangalang Keleng, na tubong Santa Cruz, Laguna. Ang dalawa ay nakalista bilang “Number 5 Most Wanted Person” sa Rizal at Laguna.

Ang mga suspek ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu nina Presiding Judge Iluminado Dela Pea, Regional Trial Court, Branch 28, Santa Cruz, Laguna; at Judge Maria Lynn Laborte-Andal, Presiding Judge ng RTC Branch 139, Antipolo City, Rizal, kaugnay sa mga kaso ng carnapping.

Ayon kay Estolano, si Orfalas ay naaresto ng mga operatiba ng HPG-Rizal sa Manila East road Tower Hills Subdivision, Barangay Dolores, Taytay, Rizal. Samantalang si Jerimy naman ay hinuli ng mga operatiba ng HPG-Laguna sa National Highway, Barangay Bubukal, Santa Cruz, Laguna.

Hinimok ni Estolano ang publiko na maging mas alisto at magsumbong sa mga awtoridad sakaling mayroon silang impormasyon hinggil sa iba pang kriminal na kumakanlong sa kanilang lugar. “Ang tagumpay na ito ay patunay na hindi tayo papayag na manatili ang mga kriminal sa ating komunidad,” ayon kay Estolano.

Nakatakdang harapin nina Orfalas at Jerimy ang mga kaso sa kaukulang hukuman.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.