2 magnanakaw, extortionist arestado sa entrapment ops ng Laguna PNP

0
385

Calamba City, Laguna. Arestado ang dalawang suspek na magnanakaw at extortionists sa isang entrapment operations ng mga tauhan ng Calamba City Police Office kamakalawa.

Kinilala ni Acting Laguna Provincial Director P/Col Cecilio R. Ison Jr ang mga suspek na sina Shawn Kempt Onofre, caretaker ng isang resort, at residente ng Purok 5 Brgy. Pansol, at Roi Dominick Urbiztondo, 27 taong gulang, construction worker, at residente ng Purok 4, Brgy. Pansol, pawang sa Calamba City, Laguna.

Batay sa paunang pagsisiyasat, dumulog sa Calamba City Police Station (CPS) ang mga biktimang sina Yeoj E Litao, 24 anyos, binata, liason officer ng isang kumpanya sa Maynila at residente ng Paranaque City at Renzi C Suaze, 25 anyos, staff assistant at residente ng Sta Mesa, Manila upang humingi ng tulong sa diumano ay pangingikil sa kanila. Sinabi ng mga biktima na nakatanggap sila ng mga text message mula sa mga hindi kilalang tao na namimilit sa kanila na magbigay ng sampung libong piso kapalit ng kanilang mga cellphone at identification card na nawala sa resort na kanilang tinuluyan.

Ayon sa kanilang salaysay, noong Mayo 15, 2022, tumigil ang mga biktima sa isang resort sa Brgy. Pansol, Calamba City, Laguna, kung saan ay nawala ang kanilang mga cellular phone at identification card. Gayunpaman, hindi agad sila nakapagreport sa pulisya sapagkat kinailangan nilang bumalik agad sa kanilang trabaho sa Intramuros, Maynila.

Ayon sa kanila, noong Mayo 17, 2022, nakatanggap ang mga biktima ng mga text message mula sa mga suspek na nag-uutos sa kanila na mag-book ng delivery at courier service provider (Lalamove rider) upang makipagtransaksyon sa paghahatid ng kanilang mga ninakaw na cellphone at ID. Nagbigay din ng intructions ang mga suspek hinggil sa paghahatid ng pera sa pinili nilang oras at lugar.

Agad namang nakipag ugnayan sa courier service ang duty Investigator-on-Case (IOCs) kasama ang duty Special Reaction Team (SRT) at nagsagawa ng entrapment operation noong Mayo 17, 2022, sa Purok 3, Brgy. Pansol, Calamba City, Laguna na nagresulta sa pagka aresto sa mga suspek at pagkakabawi ng dalawang unit ng Iphone 11 at dalawampu’t pitong piraso ng identification (IDs) card mula sa mga suspek.

Sa isinagawang imbestigasyon, itinanggi ng mga suspek na ninakaw nila ang mga gamit at narekober lamang nila ito sa tambakan ng basura. Kasalukuyan silang nakakulong sa Calamba City custodial facility at nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.