2 murder suspects patay sa shootout sa Quezon

0
305

SARIAYA, Quezon. Naresolba agad ng mga awtoridad ang kaso ng pamamaril at pagpatay sa isang 20-anyos na binata sa Lucena City matapos maaresto ang isang suspek at mabaril ang dalawang iba pa na sinasabing kilalang mga mamamatay-tao kahapon ng madaling araw sa Barangay Antipolo, bayang ito.

Batay sa ulat na ipinaabot ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ledon Monte, nakilala ang mga napatay na suspek na sina alyas “Bin Laden”, 38-anyos, ng Barangay 8, Lungsod ng Lucena, at alyas “Palos” ng Sariaya, Quezon, habang naaresto ang kanilang kasama na si alias “Soya”, 33-anyos na residente ng Purok Talabis, Brgy. Ibabang Iyam, Lungsod ng Lucena.

Si alyas Bin Laden ay itinuturing na pangunahing suspek sa nakaraang insidente ng pamamaril at pagpatay sa kanyang kapitbahay sa Lucena City noong nakaraang buwan.

Batay sa imbestigasyon, habang si Michael Joshua Timajo, 20-anyos, ay nag-aayos ng kanyang ear pods sa loob ng kanyang tahanan sa Purok Tanglaw Barrera, Barangay 8 sa Lungsod ng Lucena, sinipa ng mga suspek ang pintuan ng kanyang bahay bandang-7:15 ng gabi noong Abril 2, 2024.

Pinagbabaril ng mga pumasol na suspek ang biktima na agad nitong ikinamatay. Tumakas ang mga salarin.

Agad namang inatasan ni PLt.Col. Ruben Ballera Jr., hepe ng pulisya ng Lungsod ng Lucena si PCapt. Benito Nevera na tugisin ang mga suspek, na humantong sa pagkakahuli ng kasamahan ng dalawa na si alyas Soya, 33-anyos ng Barangay Ibabang Iyam.

Sa patuloy na operasyon ng Lucena Police sa koordinasyon sa Sariaya Police at 1QPMFC, natukoy ng grupo ni Capt. Nevera na nagtatago sina alyas Bin Laden at alyas Palos sa Barangay Antipolo, Sariaya, Quezon. Nang subukang arestuhin ang dalawa, agad umanong nagpaputok ng baril ang mga suspek, na nauwi sa engkwentro at pagkasawi ng mga ito.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.