MAYNILA. Dalawang indibidwal ang kinasuhan ng cybercrime ng Police Regional Office (PRO) 7 nitong Biyernes matapos umanong magpakalat ng fake news sa social media kaugnay ng katatapos na Sinulog Festival sa Cebu.
Kinilala ang mga suspek na sina Leomar Magallanes at Salic Daurong na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa diumano’y pagpapakalat ng disinformation online.
Ayon kay PRO 7 director Brig. Gen. Redrico Maranan, ang reklamo ay bunsod ng isang kumakalat na video sa social media kung saan makikita ang isang kaganapan sa Sinulog Festival na umano’y pinalabas bilang isang prayer protest rally na sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ating mga cyber investigators ay napag-alaman natin very tedious at very circuitous ang imbestigasyon na ginawa natin dahil online kasi ito,” ani Maranan.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na ang PRO 7 sa mga telecommunication companies at internet service providers upang matunton ang digital footprint ng mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Nagbabala rin si Maranan sa publiko hinggil sa seryosong epekto ng fake news sa kaligtasan at tiwala ng sambayanan.
“Ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media ay isang malaking pagkakasala na sumisira sa tiwala at kaligtasan ng publiko,” paalala ni Maranan.
Hinikayat rin niya ang mga mamamayan na maging mapagmatyag at responsable sa paggamit ng social media.
“Maging maingat po tayo sa mga pinopost natin online. Malaki ang epekto nito sa ating komunidad,” aniya.
Patuloy ang imbestigasyon ng PRO 7 upang matukoy pa ang iba pang posibleng sangkot sa insidente.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo