2 NPA patay sa engkwentro sa Quezon

0
285

LUCENA CITY, Quezon. Dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang namatay matapos ang maigting na engkwentro laban sa militar sa Brgy. San Jose, Guinayangan, Quezon.

Batay sa inisyal na ulat ng Philippine Army (PA), naganap ang labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) 85th Infantry Battalion at ang komunistang grupo ng Platun Reymark, SRMA-4B, STRPC sa nabanggit na baryo sa Quezon, bandang 6:20 ng umaga nitong Huwebes Santo, Marso 28.

Sa lugar ng engkwentro, nakuha ng militar ang tatlong high powered firearms na iniuugnay sa mga NPA.

Samantala, ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Guinayangan at ng pamunuan ng 85th IB, Philippine Army ang maayos na burol para sa dalawang nasawing miyembro ng NPA.

Kinilala ng militar ang mga namatay na rebelde na sina Divine Soreta, kilala rin bilang Joy at Gerbin, taga-Capalonga, Camarines Norte, na itinuturing na mataas na lider ng NPA sa Bicol Region, at isang Paulo Cruz alyas “Isko” at “Ramon”. Ang kanilang mga labi ay nakalagak sa St. Peter ng Brgy. Poblacion 2, Guinayangan, Quezon, at patuloy na binabantayan ng mga sundalo upang matiyak na ang kanilang mga pamilya ang tatanggap ng tamang paglilibing.

Sa kabila nito, nananawagan ang AFP, PNP, at pamahalaang panglalawigan sa mga natitirang miyembro ng Platun Reymark, SRMA 4B, na sumuko na. Sinabi ng mga sundalo na ang gobyerno ay handang magbigay ng tulong sa mga rebelde na bumalik sa mapayapang pamayanan. Sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP, tutulungan anila ng pamahalaan ang mga taong naliligaw ng landas na muling mabuhay ng tahimik at produktibo sa lipunan.

Samantala, patuloy ang pagiging alerto ng militar dahil posibleng may natitira pang armadong terorista sa lugar na maaaring magdulot ng karahasan sa kapayapaan ng Guinayangan at sa buong lalawigan ng Quezon.

Bukod dito, magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga checkpoint at monitoring ng mga ospital at klinika, kasama ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay at mga opisyal ng munisipyo upang masiguro ang kaligtasan ng mga residenteng naapektuhan ng engkuwentro.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.