LUCENA CITY, Quezon. Dalawa ang nasawi at isa ang malubhang nasugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Sariaya, ayon sa ulat ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) kahapon.
Batay sa ulat ni Quezon Police Provincial Office Director PCol. Ledon Monte, ang unang insidente ay naganap sa Barangay Sampaloc 2. Natutulog sa loob ng kanyang bahay ang vendor na si Jayson Alzona, 37, bandang 7:30 ng gabi, nang pasukin ng suspek na si alyas Reymart, 27, ng Barangay Sampaloc 1. Pagkakita sa biktima, malapitan itong binaril sa batok at mabilis na tumakas bitbit ang hindi pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa krimen.
Sa ikalawang insidente, nasa harapan ng isang tindahan sa Sitio Ilang-ilang, Barangay Bignay 2, bandang 11:30 ng gabi si Emmerson Roño, 42, ng Barangay Manggalang 1 nang pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang kalalakihan. Patay agad ang biktima dahil sa mga tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Tinamaan din ng bala sa katawan at ngayon ay ginagamot sa Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City ang kaibigan nitong si Pryan Buela, 42.
Patuloy pa pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya kasabay ng pagtugis sa mga salarin.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.