2 patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Cavite

0
650

CAVITE CITY. Dalawa katao ang napatay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa lalawigan ng Cavite kamakalawa.

Ayon sa pulisya, ang unang insidente ay naganap sa bayan ng Naic dakong 8:06 ng umaga. Nag-aabang ng masasakyan ang biktimang si Francis Colibao, kasama ang katrabaho nito sa Ciudad Nuevo, Brgy. Sabang, Naic nang bigla silang lapitan ng isang lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril si Colibao. Nang bumagsak ang biktima, mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang baril na ginamit. Ligtas naman ang kasama ni Colibao.

Naitakbo pa sa ospital si Colibao ngunit idiniklarang dead on arrival..

Samantala, dakong 12:30 ng hatinggabi, isang lalaki naman ang binaril ng hindi nakilalang suspek habang naglalakad sa Brgy. Zapote 1, Bacoor City. Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si alyas “Bornok,” at residente ng nasabing lugar. Mabilis ding tumakas ang suspek tangay ang baril na ginamit sa pagpatay.

Ayon sa pulisya, naglalakad si Bornok sa Campupot St., Brgy. Zapote 1 nang harangin ng suspek at pagbabarilin ng ilang beses.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga salarin at ang motibo sa likod ng mga pamamaril.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.