2 pulis, abogado patay dahil sa alitan sa lupa

0
281

TAGAYTAY CITY. Tatlo ang patay, kabilang ang dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at isang abogado, matapos magkaroon ng barilan sa loob ng isang subdibisyon sa Tagaytay City, Cavite noong Linggo ng hapon. Ang insidente ay nag-ugat sa isang matinding alitan sa lupa.

Kinilala ang mga nasawi na sina P/Capt. Adrian Binalay, na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR); P/Capt. Tomas Ganio Batarao Jr., dating nakatalaga sa Calamba Police Station at kasalukuyang nag-aaral sa ilalim ng PNP Schooling Program; at ang abogado na si Atty. Dennis Santos.

Ayon sa ulat ng Tagaytay City Police, si Capt. Binalay ay dead-on-the-spot samantalang sina Capt. Batarao Jr. at Atty. Santos ay binawian ng buhay habang isinusugod sa ospital dahil sa mga tama ng bala.

Inaresto naman ng mga awtoridad ang dalawang kasamahan ni Atty. Santos na sina Elmer Mabuti at Benedicto Hebron, na sinasabing isang retiradong Sheriff.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, bandang 2:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa Prime Peak Subdivision, Brgy. Maitim 2nd Central, Tagaytay City. Pumunta ang dalawang pulis sa lugar upang tumingin umano ng mga binebentang lote, kasama ang isang saksi na si Babygen Victa Magistrado, 46-anyos, mula Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Pumasok umano ang mga pulis sa gate ng nasabing lupain kahit na pinigilan sila ng security guard na si Ryan Santillan, dahil pribadong pag-aari ang nasabing lugar. Dahil sa pagtanggi ng mga pulis na umalis, tinawagan ni Santillan si Atty. Santos, na siyang may-ari ng lupa.

Nang dumating sina Atty. Santos kasama sina Mabuti at Hebron, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga pulis at ng abogado. Ayon sa imbestigasyon, bumunot umano ng baril si Atty. Santos at pinaputukan ang mga pulis. Sa kabila ng kanilang mga sugat, nakaganti ng putok sina Capt. Binalay at Capt. Batarao, na nagresulta sa pagkamatay ni Atty. Santos.

Ayon sa mga awtoridad, alitan sa lupa ang pinaniniwalaang dahilan ng madugong insidente. Ang nasabing lupain ay naipanalo na ni Atty. Santos sa isang kaso, at sinasabing walang lupang ibinebenta sa lugar na ito.

Iniutos na ni Calabarzon police director PBrig. Gen. Paul Kenneth Lucas ang pagbuo ng isang investigation team upang tutukan ang imbestigasyon at mangalap ng ebidensya upang mapalalim ang pag-unawa sa nangyari. Samantala, agad namang nagtungo sa crime scene ang National Police Commission (Napolcom) team, pinamunuan ni regional director Atty. Owen De Luna, upang magsagawa ng parallel investigation at i-validate ang police report sa insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.