2 Pulis at 3 sibilyan, naaktuhan sa pangingikil sa isang Egyptian

0
234

Dasmariñas City, Cavite. Dalawang pulis at tatlong sibilyan ang inaresto dahil sa umano’y pangingikil sa isang Egyptian national na inakusahan ng panggagahasa sa Dasmarinas City, Cavite nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Police Cpl. Roderick Bajado at Staff Sgt. Randy Batonhinog. Sila ay sinibak agad sa kanilang mga pwesto sa Dasmariñas at Imus City Police Stations matapos silang maaresto ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).

Sa ulat ni IMEG director Brig. Gen. Warren de Leon, ang dalawang nabanggit na pulis kasama ang mga sibilyan na sina Nemecio Sevilla, Jacquiline Rubenacia, at Jessa Rose Dalsaitan ay naaresto sa Brgy. Salitran IV.

Sinabi ni De Leon na tinakot ng mga pulis at mga kasamahan ang Egyptian national. Nagbanta sila na sasampahan siya ng kaso ng panggagahasa kung hindi magbabayad ng P200,000.

Itinanggi ng Egyptian ang alegasyon ng panggagahasa laban sa kanya at isinumbong sa mga imbestigador na binantaan siya ni Cpl. Bajado na ikukulong siya at sisirain ang kanyang reputasyon sa social media kung hindi siya makapagbigay ng hinihinging halaga.

Bilang tugon dito, agad na nagplano ang IMEG ng entrapment operation kasama ang biktima laban sa mga suspek.

Agad na pinosasan ang dalawang pulis at tatlong kasamahan matapos nilang tanggapin ang P112,000 na markadong pera mula sa biktima.

Ipinapaghanda na ang kasong robbery extortion laban sa mga suspek kabilang ang dismissal proceedings laban sa dalawang pulis.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.